Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG NG MGA MAMBABASA . . .

Bakit Pinahihintulutan ng Diyos na Apihin ng Malalakas ang Mahihina?

Bakit Pinahihintulutan ng Diyos na Apihin ng Malalakas ang Mahihina?

Ang Bibliya ay nag-uulat ng ilang malulungkot na pangyayari kung saan inaapi ng malalakas ang mahihina. Maaalaala natin ang kaso ni Nabot. * Pinahintulutan ni Ahab, ang hari ng Israel noong ikasampung siglo B.C.E., ang kaniyang asawang si Jezebel na ipapatay si Nabot at ang mga anak nitong lalaki upang makuha ng hari ang ubasan nito. (1 Hari 21:1-16; 2 Hari 9:26) Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang labis na pag-abuso sa kapangyarihan?

Ang “Diyos [ay] hindi makapagsisinungaling.”​—Tito 1:2

Tingnan natin ang isang mahalagang dahilan: Hindi makapagsisinungaling ang Diyos. (Tito 1:2) Ano naman ang kaugnayan niyan sa pang-aapi? Sa pasimula pa lang, binabalaan na ng Diyos ang mga tao na ang paghihimagsik sa kaniya ay may malagim na resulta​—ang kamatayan. Gaya ng sinabi ng Diyos, naging bahagi ng buhay ng tao ang kamatayan mula nang maghimagsik sila sa hardin ng Eden. Sa katunayan, ang unang kamatayan ay nangyari dahil sa pang-aapi​—nang patayin ni Cain ang kapatid niyang si Abel.​—Genesis 2:16, 17; 4:8.

Tungkol sa kasaysayan ng tao mula noon, ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Nagkatotoo ba ito? Binabalaan ni Jehova ang kaniyang bayang Israel na magiging mapang-api ang kanilang mga hari, anupat daraing sila sa Diyos. (1 Samuel 8:11-18) Kahit ang matalinong hari na si Solomon ay nagpataw ng labis-labis na buwis sa bayan. (1 Hari 11:43; 12:3, 4) Mas mapang-api pa ang masasamang haring gaya ni Ahab. Isipin ito: Kung hinadlangan ng Diyos ang lahat ng gayong pang-aapi, hindi kaya lilitaw na nagsisinungaling siya?

“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Eclesiastes 8:9

Alalahanin din na pinararatangan ni Satanas na naglilingkod lamang sa Diyos ang mga tao dahil sa sakim na mga pakinabang. (Job 1:9, 10; 2:4) Kung pinoprotektahan ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga lingkod mula sa lahat ng pang-aapi, hindi ba parang pinatototohanan niya ang mga paratang ni Satanas? At kung hinahadlangan naman ng Diyos ang lahat ng pang-aapi, hindi kaya lalabas na mas malaking kasinungalingan ito? Kung may gayong proteksiyon, maaaring isipin ng marami na matagumpay na mapamamahalaan ng mga tao ang kanilang sarili nang wala ang Diyos. Pero kabaligtaran iyan ng sinasabi ng Salita ng Diyos​—na hindi kayang pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili. (Jeremias 10:23) Kailangang dumating ang Kaharian ng Diyos; sa panahong iyon lamang magwawakas ang kawalang-katarungan.

Nangangahulugan ba iyan na walang ginagawa ang Diyos tungkol sa pang-aapi? Hindi. Pansinin ang dalawang bagay na ginagawa niya: Una, inilalantad niya kung ano talaga ito. Halimbawa, isinisiwalat ng kaniyang Salita ang bawat aspekto ng pakana ni Jezebel laban kay Nabot. Sinasabi pa ng Bibliya na ang gayong mga kasamaan ay kagagawan ng isang makapangyarihang tagapamahala na itinatago ang kaniyang pagkakakilanlan. (Juan 14:30; 2 Corinto 11:14) Sinasabi ng Bibliya na siya ay si Satanas na Diyablo. Sa pagsisiwalat ng kasamaan at pang-aapi, pati na ang tunay na may kagagawan nito, tinutulungan tayo ng Diyos na layuan mismo ang masasamang gawa. Kaya pinoprotektahan niya ang ating walang-hanggang kinabukasan.

Ikalawa, ang Diyos ay naglalaan ng matibay na pag-asa na wawakasan niya ang pang-aapi. Ang paglalantad, paghatol, at pagpaparusa kina Ahab at Jezebel​—pati na sa maraming gaya nila—​ay tumitiyak sa atin na matutupad ang mga pangako ng Diyos na parurusahan niya balang-araw ang lahat ng gumagawa ng masama. (Awit 52:1-5) Nagbibigay rin ang Diyos ng maaasahang pag-asa para sa mga umiibig sa kaniya na malapit na niyang ituwid ang epekto ng labis na kasamaan. * Kung gayon, makikita ng tapat na si Nabot ang panahon kapag siya at ang mga anak niyang lalaki ay mamumuhay nang may katarungan sa isang paraisong lupa magpakailanman.​—Awit 37:34.

^ par. 3 Tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” sa isyu ring ito.

^ par. 8 Tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.