Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Nakasumpong ng Lakas sa Kabila ng Kahinaan

Nakasumpong ng Lakas sa Kabila ng Kahinaan

Sinumang makakita sa akin ay hindi mag-iisip na malakas ako. Naka-wheelchair ako at tumitimbang lang ng 29 na kilo. Ngunit habang humihina ang katawan ko, lumalakas naman ang loob ko. Hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit.

Noong apat na taóng gulang ako

Naaalaala ko pa ang masasayang araw noong bata ako sa maliit naming bahay sa isang bayan sa timog ng Pransiya. Ginawan ako ni Tatay ng duyan, at lagi akong nagtatatakbo sa hardin. Noong 1966, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa aming bahay at matagal na nakipag-usap kay Tatay. Pagkalipas lang ng pitong buwan, nagpasiya na siyang maging Saksi. Di-nagtagal, naging Saksi rin si Nanay, at pinalaki nila ako sa mapagmahal na pamilya.

Nagsimula ang problema ko di-nagtagal pagbalik namin sa Espanya, ang bansang pinagmulan ng mga magulang ko. Nakadama ako ng matinding kirot sa aking mga kamay at bukung-bukong. Pagkatapos ng dalawang-taóng pagpapatingin sa mga doktor, nakilala namin ang isang kilaláng rheumatologist, na nagsabi, “Huli na ang lahat.” Umiyak si Nanay. Narinig ko ang mga salitang gaya ng “autoimmune chronic illness” at “juvenile polyarthritis” * sa nakaka-depress na kuwartong iyon. Hindi ko maintindihan iyon dahil sampung taon lang ako noon, pero alam kong masamang balita iyon.

Sinabi ng doktor na magpagamot ako sa isang sanitaryum. Pagdating ko roon, nadismaya ako sa malungkot na kapaligiran. Istrikto sila roon: Ginupit ng mga madre ang buhok ko at binihisan ako ng lumang uniporme. Napaiyak ako at naisip ko, ‘Makatatagal kaya ako rito?’

NADAMA KO ANG TULONG NI JEHOVA

Dahil naturuan ako ng aking mga magulang na maglingkod kay Jehova, tumanggi akong makibahagi sa Katolikong mga ritwal sa sanitaryum. Hindi maintindihan ng mga madre kung bakit ayaw ko. Nakiusap ako kay Jehova na huwag akong pabayaan, at agad kong nadama ang kaniyang mapagsanggalang na bisig, gaya ng mahigpit na yakap ng isang maibiging ama.

Pinapayagan ang aking mga magulang na dalawin ako sandali tuwing Sabado. Dinadalhan nila ako ng mga publikasyong salig sa Bibliya na nagpatibay ng pananampalataya ko. Karaniwan nang hindi  puwedeng magkaroon ng sariling aklat ang mga bata, pero pinayagan ako ng mga madre na itago ang mga ito, pati na ang Bibliya na binabasa ko araw-araw. Sinasabi ko rin sa ibang batang babae ang aking pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa, kung saan wala nang magkakasakit. (Apocalipsis 21:3, 4) Kahit na malungkot ako kung minsan, tumitibay naman ang pananampalataya at pagtitiwala ko kay Jehova.

Pagkaraan ng anim na buwan, pinauwi na ako ng mga doktor. Hindi bumuti ang aking kalagayan, pero natutuwa akong makasamang muli ang mga magulang ko. Lalong naging dispormado ang mga kasukasuan ko, at tumindi pa ang kirot. Napakahina ko noong magtin-edyer ako. Pero sa edad na 14, nagpabautismo ako at determinadong maglingkod sa aking Ama sa langit sa abot ng makakaya ko. Kung minsan, nasisiraan din ako ng loob. “Bakit ako pa? Sana po pagalingin n’yo ako,” ang dasal ko. “Hirap na hirap na po ako.”

Nahirapan ako noong nagdadalaga ako. Kailangan kong tanggapin na hindi na ako gagaling pa. Hindi ko maiwasang ihambing ang aking sarili sa mga kaibigan ko—malulusog at masasaya. Ang baba ng tingin ko sa sarili at naging mahiyain ako. Pero sinuportahan ako ng pamilya at mga kaibigan ko. Naalaala ko si Alicia—20 taon ang tanda niya sa akin—na naging tunay na kaibigan. Tinulungan niya akong huwag magpokus sa aking karamdaman at maging interesado sa iba sa halip na magmukmok dahil sa problema ko.

KUNG PAANO NAGING MAKABULUHAN ANG AKING BUHAY

Noong 18 anyos ako, lalong tumindi ang kirot, at pagod na pagod ako kahit sa pagdalo lang sa mga pulong. Ngunit sinasamantala ko ang lahat ng “libreng panahon” ko sa bahay para pag-aralang mabuti ang Bibliya. Naunawaan ko mula sa aklat ng Job at Mga Awit na pinangangalagaan tayo ngayon ng Diyos na Jehova pangunahin na sa espirituwal sa halip na sa pisikal. Ang madalas na pananalangin ay nagbigay sa akin ng “lakas na higit sa karaniwan” at ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”2 Corinto 4:7; Filipos 4:6, 7.

Sa edad na 22, kailangan kong tanggapin na matatali na ako sa wheelchair. Natakot ako na baka ang mapansin na lang ng mga tao ay isang sakiting naka-wheelchair. Pero dahil sa wheelchair, nagkaroon ako ng ilang kalayaan. Ang inaakala kong “sumpa” ay naging pagpapala. Iminungkahi ng kaibigan kong si Isabel na subukan kong gumugol ng 60 oras sa pangangaral kasama niya sa loob ng isang buwan.

Sa umpisa, parang imposible ang ideyang iyon. Pero hiniling ko ang tulong ni Jehova. Sa suporta ng pamilya ko at mga kaibigan, nagawa ko iyon. Mabilis na lumipas ang buwan na iyon at nadaig ko ang aking takot at pagkamahiyain. Talagang nag-enjoy ako, kaya noong 1996 nagregular payunir ako—gumugugol ng 90 oras bawat buwan sa ministeryo. Isa iyon sa pinakamagandang desisyong nagawa ko. Napalapít ako sa Diyos at lumakas pa nga ang katawan ko. Dahil sa pangangaral, naibabahagi ko sa iba ang aking pananampalataya at natutulungan silang maging kaibigan ng Diyos.

HINDI AKO PINABAYAAN NI JEHOVA

Noong tag-araw ng 2001, naaksidente ako at nabali ang dalawang binti ko. Habang nasa ospital at pinahihirapan ng napakatinding kirot, nanalangin ako nang tahimik: “Pakisuyo, Jehova, huwag mo akong pabayaan!” Tamang-tama namang tinanong ako ng isang babae sa kalapit na higaan, “Saksi ni Jehova ka ba?” Wala akong lakas na sumagot, kaya tumango na lang ako. “Kilala ko kayo! Nagbabasa ako ng mga magasin ninyo,” ang sabi niya. Talagang nakaaliw sa akin ang mga salitang iyon. Kahit sa kalagayang iyon, nakapagpatotoo ako tungkol kay Jehova. Isa ngang karangalan!

Nang medyo magaling na ako, nangaral na ako. Itinutulak ni Nanay ang aking wheelchair sa mga ward ng ospital kahit nakasemento pa ang dalawang binti ko. Araw-araw, dinadalaw namin ang ilang pasyente, kinukumusta sila, at nag-iiwan kami ng ilang literatura sa Bibliya. Nakapapagod iyon, pero binigyan ako ni Jehova ng lakas na kailangan ko.

Kasama ang aking mga magulang noong 2003

Sa nakalipas na ilang taon, tumindi pa ang kirot at nakaragdag pa sa paghihirap ko ang pagkamatay ni Tatay. Pero sinikap kong manatiling positibo. Paano?  Hangga’t posible, lagi akong nakikisama sa aking mga kaibigan at kamag-anak, at nakatulong iyon para hindi ko maisip ang aking mga problema. At kapag nag-iisa, nagbabasa ako, nag-aaral ng Bibliya, o kaya ay nangangaral sa pamamagitan ng telepono.

Madalas na ipinipikit ko ang aking mga mata at iniisip ko ang aking sarili na nasa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos

Sinisikap ko ring ma-enjoy ang simpleng mga bagay gaya ng hanging dumadampi sa aking mukha o ng mababangong bulaklak. Ang dami kong dahilan para magpasalamat. Malaking tulong din ang pagiging palabiro. Isang araw sa pangangaral, itinutulak ng kaibigan ko ang wheelchair ko. Huminto siya sandali para sumulat. Gumulong ang wheelchair ko hanggang sa bumangga ako sa isang nakaparadang kotse. Pareho kaming nagulat, pero nang makita namin na wala namang gaanong nangyari, nagtawanan kami.

Maraming bagay sa buhay na hindi ko magawa. Tinawag ko itong mga pangarap na matutupad pa lang. Madalas na ipinipikit ko ang aking mga mata at iniisip ko ang aking sarili na nasa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Iniisip ko na malusog na ako, naglalakad-lakad at masayang-masaya. Lagi kong iniisip ang mga salita ni Haring David: “Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso.” (Awit 27:14) Bagaman pahina nang pahina ang katawan ko, pinalalakas naman ako ni Jehova. Patuloy akong nakasusumpong ng lakas sa kabila ng aking kahinaan.

^ par. 6 Ang juvenile polyarthritis ay isang uri ng chronic arthritis sa mga bata. Inaatake at sinisira ng sistema ng imyunidad ng katawan ang malulusog na tisyu, at nagdudulot ito ng kirot at pamamaga sa mga kasukasuan.