Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PAKIKIPAG-USAP SA IBA

Naniniwala ba kay Jesus ang mga Saksi ni Jehova?

Naniniwala ba kay Jesus ang mga Saksi ni Jehova?

Ang sumusunod ay isang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Anthony ang Saksing dumadalaw kay Tim.

MAHALAGA ANG PANINIWALA KAY JESUS

Anthony: Hi, Tim. Mabuti naabutan kita.

Tim: Ikaw pala, Anthony.

Anthony: May dala akong mga bagong isyu ng Bantayan at Gumising! Tiyak na magugustuhan mo ang mga ito.

Tim: Salamat. Mabuti’t dumalaw ka ngayon, kasi may gusto akong itanong sa iyo.

Anthony: Sige, ano ba ’yon?

Tim: Kausap ko kasi y’ong katrabaho ko no’ng isang araw. Naikuwento ko sa kaniya ang mga magasing dinadala mo sa ’kin. Pero sabi niya, huwag daw akong magbabasa no’n kasi hindi kayo naniniwala kay Jesus. Totoo ba ’yon? Sabi ko sa katrabaho ko, tatanungin kita ’pag nagkita tayo.

Anthony: Mabuti’t kaming mga Saksi ang tinanong mo. Tutal, kami ang higit na makapagpapaliwanag ng paniniwala namin.

Tim: Kung sa bagay.

Anthony: Ang totoo, naniniwala kay Jesus ang mga Saksi ni Jehova. Naniniwala kami na ang pananampalataya kay Jesus ay kailangan para maligtas.

Tim: Iyan nga ang alam ko, pero nang sabihin ng katrabaho ko na hindi kayo naniniwala kay Jesus, medyo napaisip ako. Parang hindi pa kasi natin napag-usapan iyon.

Anthony: Okey lang ba kung ipabasa ko sa iyo ang ilang teksto sa Bibliya na nagpapakita ng kahalagahan ng pananampalataya kay Jesus? Madalas itong gamitin ng mga Saksi ni Jehova sa pagbabahay-bahay.

Tim: O sige.

Anthony: Ang una ay ang sinabi mismo ni Jesus sa Juan 14:6. Kausap ni Jesus noon ang isa sa kaniyang mga apostol. Ayon dito: “Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’” Batay sa tekstong ito, ano ang tanging paraan para makalapit sa Ama?

Tim: Sa pamamagitan ni Jesus.

Anthony: Tama. At pinaniniwalaan iyan ng mga Saksi ni Jehova. Matanong kita, sa nalalaman mo sa mga kahilingan ng Diyos, sa pangalan nino dapat nating ipaabot ang ating panalangin sa Diyos?

Tim: Sa pangalan ni Jesus.

Anthony: Tama ka. Kaya kapag nagdarasal ako sa Diyos, laging sa pangalan ni Jesus. Iyan ang ginagawa ng lahat ng Saksi ni Jehova.

Tim: A, gano’n pala.

Anthony: Ang isa pang teksto ay ang Juan 3:16. Napakahalaga ng tekstong ito kaya tinatawag itong munting Ebanghelyo. Ibig sabihin, kung may isang teksto na makapaglalarawan sa lahat ng ginawa ni Jesus noong nandito siya sa lupa, ito ’yon. Mabuti pa basahin natin.

Tim: Sige. Sabi rito: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Anthony: Salamat. Pamilyar ka ba sa tekstong ito?

Tim: Oo. Madalas kong makita ’yan sa mga karatula.

Anthony: Gustong-gusto ng mga tao ang tekstong iyan. Pansinin mong sinabi ni Jesus na dahil sa pag-ibig ng Diyos, posibleng magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao. Pero ano ang dapat nating gawin?

Tim: Manampalataya.

Anthony: Tama. Manampalataya sa bugtong na Anak na si Jesu-Kristo. At ang pananampalatayang iyan kay Jesus ang nagbubukas ng daan para sa buhay na walang hanggan. Makikita ang puntong iyan sa layunin ng magasing Bantayan. Basahin natin dito sa pahina 2. Sabi rito: “Pinasisigla nito ang mga tao na manampalataya kay Jesu-Kristo, na namatay para magkaroon tayo ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan at namamahala na ngayon bilang Hari sa Kaharian ng Diyos.”

Tim: Nandiyan pala mismo sa magasin ninyo ang katibayan na naniniwala kay Jesus ang mga Saksi ni Jehova.

Anthony: Oo.

Tim: E, bakit sinasabi ng mga tao na hindi kayo naniniwala kay Jesus?

Anthony: May ilang dahilan siguro kung bakit. Baka iyon ang naririnig nilang sinasabi ng ibang tao. O baka iyon ang itinuturo sa kanila ng ministro nila.

Tim: Hindi kaya sinasabi ng mga tao na hindi kayo naniniwala kay Jesus dahil tinatawag kayong Saksi ni Jehova, hindi Saksi ni Jesus?

Anthony: Posible.

Tim: Bakit ba si Jehova ang madalas ninyong banggitin sa mga tao?

“IPINAKILALA KO SA KANILA ANG IYONG PANGALAN”

Anthony: Kasi una, tulad ni Jesus, naniniwala kami na mahalagang gamitin ang personal na pangalan ng Diyos na Jehova​—gaya ng ginawa ng kaniyang Anak na si Jesus. Pansinin mo ang sinabi ni Jesus nang manalangin siya sa kaniyang Ama. Nandito iyon sa Juan 17:26. Puwede bang pakibasa mo?

Tim: Sige. “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.”

Anthony: Salamat. Sinabi ni Jesus na ipinakilala niya ang pangalan ng Diyos. Sa tingin mo, bakit kaya niya ginawa iyon?

Tim: Bakit nga ba?

Ang pananampalataya kay Jesus ay kailangan para maligtas

Anthony: Basahin natin ang isa pang teksto na nagpapaliwanag kung bakit. Ganito ang sabi sa Gawa 2:21: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Siguro sasang-ayon ka na kung ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay kailangan para maligtas, tiyak na alam ito ni Jesus.

Tim: Oo naman.

Anthony: Kaya ang kaligtasan ng kaniyang mga tagasunod ang isang dahilan kung bakit mahalaga kay Jesus na malaman nila pangalan ng Diyos at gamitin ito. At isa iyan sa pangunahing dahilan kung bakit madalas naming banggitin ang tungkol kay Jehova. Naniniwala kami na mahalagang ipakilala ang personal na pangalan ng Diyos at tulungan ang iba na tumawag sa pangalang iyan.

Tim: Pero kahit hindi alam o hindi ginagamit ng mga tao ang pangalan ng Diyos, alam pa rin nila kung sino ang tinutukoy nila kapag tumatawag sila sa Diyos.

Anthony: Posible. Pero dahil ipinakilala sa atin ng Diyos ang kaniyang personal na pangalan, mas madali sa atin na maging malapít sa kaniya.

Tim: Ano’ng ibig mong sabihin?

Anthony: Halimbawa, si Moises. Hindi naman natin kailangang malaman ang pangalan niya. Puwede siyang ipakilala bilang ang taong humati sa Dagat na Pula o ang taong tumanggap ng Sampung Utos. Gano’n din si Noe. Puwede siyang tukuyin bilang ang taong gumawa ng arka at nagligtas sa kaniyang pamilya at sa mga hayop. Kahit nga si Jesu-Kristo. Puwede siyang ipakilala bilang ang taong bumaba mula sa langit at namatay para sa mga kasalanan natin, ’di ba?

Tim: Oo nga.

Anthony: Pero tiniyak ng Diyos na malaman natin ang personal na pangalan ng mga taong iyon. At dahil kilala sila sa pangalan, mas nagiging totoo ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa kanila. Kaya kahit hindi natin nakilala nang personal sina Moises, Noe, at Jesus, totoong-totoo sila sa atin.

Tim: May katuwiran ka.

Anthony: Iyan ang isa pang dahilan kung bakit napakadalas gamitin ng mga Saksi ni Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. Gusto naming tulungan ang mga tao na manampalataya sa Diyos na Jehova bilang isang totoong Persona para mapalapít sila sa kaniya. Pero kinikilala rin namin ang papel ni Jesus sa kaligtasan natin. Basahin natin ang isa pang teksto na nagdiriin sa puntong ito.

Tim: Okey.

Anthony: Kanina binasa natin ang Juan 14:6. Tandaan na sinabi ni Jesus na siya “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” Ngayon, tingnan natin ang sinabi niya sa mas naunang talata sa Juan 14:1. Puwede bang pakibasa mo ang huling bahagi ng tekstong iyon?

Tim: Sige. Sabi rito: “Manampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.”

Anthony: Salamat. Ibig bang sabihin, ang tunay na pananampalataya ay pananampalataya lang alinman kay Jesus o kay Jehova?

Tim: Hindi. Sabi ni Jesus, parehong kailangan ang pananampalataya kay Jehova at sa kaniya.

Anthony: Tama. At sasang-ayon ka siguro na hindi sapat na basta sabihing may pananampalataya tayo sa Diyos at kay Jesus. Dapat na makita iyon sa ating buhay.

Tim: Siyempre.

Anthony: Pero paano ba maipapakita ng isang tao na talagang may pananampalataya siya sa Diyos at kay Jesus? Pag-usapan natin ’yan pagbalik ko. *

Tim: Okey.

May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung mayroon, huwag kang mahiyang magtanong sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.

^ par. 60 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 12 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.