Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG NG MGA MAMBABASA . . .

Sino ang Gumawa sa Diyos?

Sino ang Gumawa sa Diyos?

Isipin ang isang ama na nakikipag-usap sa kaniyang pitong-taóng-gulang na anak. Sinabi niya, “Noong unang panahon, ginawa ng Diyos ang lupa at ang lahat ng nandito pati na ang araw, buwan, at mga bituin.” Nag-isip sandali ang bata at saka nagtanong, “’Tay, sino po ang gumawa sa Diyos?”

“Walang gumawa sa Diyos,” sagot ng ama. “Umiiral na talaga siya.” Sapat na para sa bata ang sagot na iyon. Pero habang lumalaki siya, palaisipan pa rin ito sa kaniya. Hindi niya maunawaan kung paanong ang sinuman ay walang pasimula. Kahit nga ang uniberso ay may pasimula. ‘Saan nagmula ang Diyos?’ naisip niya.

Ano ang sagot ng Bibliya? Halos parehong-pareho rin ng sagot ng ama na binanggit kanina. Isinulat ni Moises: “O Jehova, . . . bago naipanganak ang mga bundok, o bago mo iniluwal na waring may mga kirot ng pagdaramdam ang lupa at ang mabungang lupain, mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos.” (Awit 90:1, 2) Nasabi rin ni propeta Isaias: “Hindi mo ba nalaman o hindi mo ba narinig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda”! (Isaias 40:28) Gayundin, binanggit sa liham ni Judas na ang Diyos ay umiiral “sa buong walang-hanggang nagdaan.”​—Judas 25.

Ipinakikita ng mga tekstong ito na ang Diyos ay “Haring walang hanggan,” gaya ng paglalarawan sa kaniya ni apostol Pablo. (1 Timoteo 1:17) Ibig sabihin, umiiral na talaga ang Diyos, gaano man natin kalayo balikan ang nakaraan. At patuloy siyang iiral sa hinaharap. (Apocalipsis 1:8) Kaya ang kaniyang walang-hanggang pag-iral ay isang mahalagang katangian ng Makapangyarihan-sa-lahat.

Bakit mahirap maunawaan ang ideyang ito? Limitado kasi ang haba ng buhay natin, kaya ang ating pangmalas sa panahon ay ibang-iba sa pangmalas ni Jehova. Dahil walang-hanggan ang Diyos, ang isang libong taon ay gaya ng isang araw para sa kaniya. (2 Pedro 3:8) Para ilarawan: Mauunawaan kaya ng isang tipaklong, na ang buhay ay hanggang 50 araw lang, ang haba ng buhay natin na 70 o 80 taon? Hinding-hindi! Pero ipinaliliwanag ng Bibliya na tayo ay parang mga tipaklong lang kung ihahambing sa ating Dakilang Maylalang. Maging ang ating kakayahang mag-isip ay walang-wala kung ikukumpara sa kaniya. (Isaias 40:22; 55:8, 9) Kaya hindi kataka-taka na may mga aspekto ng katangian si Jehova na hindi maaabot ng isip ng tao.

Bagaman hindi natin lubusang maintindihan ang ideya ng pagiging walang hanggan ng Diyos, makikita natin na makatuwiran naman ito. Kung may lumalang sa Diyos, ang isang iyon ang magiging Maylalang. Pero gaya ng paliwanag ng Bibliya, si Jehova ang ‘lumalang ng lahat ng bagay.’ (Apocalipsis 4:11) Alam din natin na may panahong hindi umiiral ang uniberso. (Genesis 1:1, 2) Saan ito nanggaling? Kailangang umiral muna ang Maylalang nito. Umiral din Siya bago pa man nagkaroon ng matatalinong nilalang, gaya ng kaniyang bugtong na Anak at ng mga anghel. (Job 38:4, 7; Colosas 1:15) Maliwanag na may panahong nag-iisa lang siya. Hindi siya nilalang; walang umiiral na puwedeng lumalang sa kaniya.

Ang pag-iral natin at ng buong uniberso ay ebidensiya na may walang-hanggang Diyos. Talagang laging umiiral ang Isa na nagpapagalaw sa ating napakalawak na uniberso, ang Isa na nagtatag ng mga batas para makontrol ito. Siya lamang ang makapagbibigay ng buhay sa lahat ng iba pa.​—Job 33:4.