Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JOSE

“Paano Ko Magagawa ang Malaking Kasamaang Ito?”

“Paano Ko Magagawa ang Malaking Kasamaang Ito?”

NALALANGHAP ni Jose ang mainit na hangin at ang halimuyak ng mga bulaklak ng lotus at ng iba pang halamang-tubig. Naglalakad siya kasama ng grupo ng mga mangangalakal na ngayo’y bumabagtas sa mababang kapatagan sa may bukana ng Nilo. Isipin ang nakapilang mga lalaking akay-akay ang kanilang mga kamelyo. Binabaybay nila ang daanang-tubig patungo sa isa pang bayan ng Ehipto, at paminsan-minsan ay nabubulabog nila ang nagtatampisaw na mga ibong heron o ibis. Naalaala na naman ni Jose ang kanilang mahanging lugar sa bulubundukin ng Hebron na daan-daang kilometro ang layo. Nasa ibang daigdig na siya ngayon.

Isip-isipin ang nagkakaingay na mga unggoy sa tuktok ng mga puno ng datiles at igos. Habang naglalakad, naririnig ni Jose ang usapan ng mga tao pero hindi niya maintindihan. Marahil sinisikap niyang unawain ito at matutuhan. Basta ang alam niya, hinding-hindi na siya makauuwi sa kanila.

Bata pa noon si Jose—17 o 18 anyos—pero napaharap na siya sa mga pagsubok na maaaring makasira ng loob kahit sa mga adulto. Inggit na inggit ang mga kapatid ni Jose sa kaniya dahil paborito siya ng kanilang ama, binalak pa nga nilang patayin siya. Pero ipinagbili na lang siya sa mga mangangalakal na ito. (Genesis 37:2, 5, 18-28) Matapos ang ilang linggong paglalakbay, malamang na sumasaya na ang mga mangangalakal dahil malapit na sila sa malaking lunsod kung saan kikita sila nang malaki sa pagbebenta kay Jose at sa kanilang mga mamahaling paninda. Paano naiwasan ni Jose na tuluyang mawalan ng pag-asa at masiraan ng loob? At paano naman natin maiiwasang masira ng mga pagsubok at kabiguan sa buhay ang ating pananampalataya? Marami tayong matututuhan kay Jose.

“SI JEHOVA AY SUMASA KAY JOSE”

“Kung tungkol kay Jose, siya ay ibinaba sa Ehipto, at si Potipar, na isang opisyal ng korte ni Paraon, na pinuno ng tagapagbantay, na isang Ehipsiyo, ang bumili sa kaniya mula sa kamay ng mga Ismaelita na nagbaba sa kaniya roon.” (Genesis 39:1) Sa ulat na ito ng Bibliya, mauunawaan natin ang kahihiyang naranasan ng kabataang ito nang siya ay muling ipagbili. Isa na lamang siyang ari-arian! Maiisip natin si Jose na nakasunod sa kaniyang bagong panginoon na isang Ehipsiyong opisyal ng korte. Dumaan sila sa abala at siksikang lansangan na punô ng mga tindahan, papunta sa bagong tahanan ni Jose.

Tahanan! Malayong-malayo ito sa tinatawag ni Jose na tahanan. Kinalakhan niya ang pagtira sa mga tolda habang palipat-lipat ang kanilang pamilya at nagpapastol ng kanilang mga tupa. Pero dito, ang mayayamang Ehipsiyo na gaya ni Potipar ay nakatira sa mga bahay na elegante at makulay. Iniulat ng mga arkeologo na ang sinaunang mga Ehipsiyo ay mahilig sa luntian at napapaderang mga hardin na may mayabong na mga punungkahoy at mga tipunang-tubig para sa mga papiro, lotus, at iba pang halamang-tubig. Ang ilang bahay ay napalilibutan ng mga hardin, may mga beranda para doon magpahangin, matataas na bintana para sa bentilasyon, at maraming silid, kasama na ang malaking silid-kainan at mga kuwarto para sa mga tagapaglingkod.

Humanga ba si Jose sa gayong karangyaan? Malamang na hindi. Marahil nadarama pa rin niyang nag-iisa siya. Ang mga Ehipsiyo ay banyaga para sa kaniya—iba ang wika, pananamit, at pag-aayos—at higit sa lahat, iba ang kanilang relihiyon. Sumasamba sila sa napakaraming diyos, nagsasagawa ng okultismo at mahika, at interesadong-interesado sila sa kung ano ang nangyayari sa kamatayan at kabilang-buhay. Pero may isang bagay na nakatulong kay Jose para hindi madaig ng kalungkutan. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay sumasa kay Jose.” (Genesis 39:2) Tiyak na ibinuhos ni Jose sa kaniyang Diyos ang nilalaman ng puso niya. Sinasabi ng Bibliya na “si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Ano pa ang nagpalapít kay Jose sa kaniyang Diyos?

Sa halip na magpadaig sa kawalang-pag-asa, nagpokus ang kabataang ito sa kaniyang gawain. Kaya nakapagbigay siya ng dahilan para pagpalain ni Jehova, at di-nagtagal nakuha ni Jose ang pagsang-ayon ng kaniyang bagong panginoon. Nakita ni Potipar na ang kaniyang lingkod ay pinagpapala ni Jehova, ang Diyos ng bayan ni Jose, at naging higit na sagana ang bahay ng Ehipsiyo dahil dito. Nakuha ni Jose ang loob ng kaniyang panginoon anupat ipinagkatiwala ni Potipar ang lahat ng bagay sa kamay ng mahusay na kabataang ito.—Genesis 39:3-6.

Si Jose ay isang huwaran para sa mga kabataan ngayon na naglilingkod sa Diyos. Halimbawa, kapag nasa paaralan, kung minsan baka madama nilang para silang banyaga sa isang kakaibang lugar, isang daigdig na mahilig sa okultismo at nababalot ng kalungkutan at kawalang-pag-asa. Kung ganiyan ang nadarama mo, tandaan na si Jehova ay hindi nagbabago. (Santiago 1:17) Siya ay tumutulong pa rin sa lahat ng mga nananatiling tapat sa kaniya at nagsisikap na mapalugdan siya. Sagana niya silang pinagpapala, at ganiyan din ang gagawin niya sa iyo.

Samantala, binabanggit ng ulat na lumaki si Jose na may ‘magandang tindig at magandang anyo.’ Ipinakikita ng mga pananalitang iyan na may napipintong panganib, dahil ang kaloob na pisikal na kagandahan ay karaniwan nang takaw-pansin.

Napansin ng asawa ni Potipar ang tapat na kabataang si Jose

“HINDI ITO NAKINIG SA KANIYA”

Mahalaga kay Jose ang katapatan; di-gaya ng asawa ni Potipar. Mababasa natin: “Itiningin ng asawa ng kaniyang panginoon ang mga mata nito kay Jose at sinabi: ‘Sipingan mo ako.’” (Genesis 39:7) Natukso ba si Jose sa pang-aakit ng paganong babaeng ito? Walang anumang binabanggit sa Bibliya para isipin natin na si Jose ay hindi nakadarama ng mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataang lalaki o na hindi kaakit-akit ang babaeng ito, ang sunod sa layaw na asawa ng mayaman at maimpluwensiyang opisyal ng korte. Mangangatuwiran kaya si Jose na hindi naman ito malalaman ng kaniyang panginoon? Matutukso kaya siya sa materyal na pakinabang na maibibigay ng gayong imoral na relasyon?

Ang totoo, hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Jose. Pero malinaw kung ano ang nasa puso niya. Makikita ito sa kaniyang sagot: “Narito, hindi alam ng aking panginoon kung ano ang nasa akin sa bahay, at ang lahat ng bagay na kaniyang tinatangkilik ay ibinigay niya sa aking kamay. Walang sinumang mas dakila kaysa sa akin sa bahay na ito, at hindi niya ipinagkait sa akin ang anupaman maliban sa iyo, sapagkat ikaw ang kaniyang asawa. Kaya paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” (Genesis 39:8, 9) Isipin ang binata na buong-tapang na sinasabi ang mga salitang ito. Hindi niya maatim na isipin man lang ang ipinagagawa sa kaniya. Bakit?

Gaya ng sinabi ni Jose, pinagkakatiwalaan siya ng panginoon niya. Ipinaubaya ni Potipar kay Jose ang lahat ng kaniyang tinatangkilik, wala siyang ipinagkait maliban sa asawa niya. Paano magagawa ni Jose na sirain ang pagtitiwalang iyon? Kinasusuklaman niya ang ideyang ito. Pero may mas malalim pang dahilan: ang ideya na magkasala nga laban sa kaniyang Diyos na si Jehova. Maraming natutuhan si Jose sa kaniyang mga magulang tungkol sa pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa at pagkamatapat. Si Jehova ang nagsagawa ng unang kasalan, at nilinaw niya ang kaniyang layunin. Ang mag-asawa ay magiging “isang laman.” (Genesis 2:24) Ang mga magtatangkang sumira sa buklod na iyon ay posibleng tumanggap ng poot ng Diyos. Halimbawa, ang mga lalaking gustong humalay sa asawa ni Abraham, na lola sa tuhod ni Jose, at sa asawa ni Isaac, na lola ni Jose ay muntik nang mapahamak. (Genesis 20:1-3; 26:7-11) Iyan ang natutuhan ni Jose, at desidido siyang mamuhay ayon dito.

Hindi nagustuhan ng asawa ni Potipar ang narinig niya. Aba, tinanggihan siya ng hamak na aliping ito, at sinabi pang isang “malaking kasamaan” ang kaniyang iniaalok! Pero nagpumilit pa rin siya. Marahil nasaktan ang kaniyang pride, kaya naging determinado siyang mapapayag si Jose. Sa gayon, ipinakita niya ang saloobing gaya ng kay Satanas na tumukso kay Jesus. Nabigo rin ang panunukso ni Satanas, at sa halip na sumuko, naghintay lang si Satanas ng “iba pang kumbinyenteng panahon.” (Lucas 4:13) Kaya ang mga taong tapat ay kailangang maging determinado at matatag. Ganiyan si Jose. Bagaman nagpatuloy “araw-araw” ang kalagayang ito, hindi siya natinag. Mababasa natin: “Hindi ito nakinig sa kaniya.” (Genesis 39:10) Pero ang asawa ni Potipar ay pursigidong mang-akit.

Itinaon niyang wala ang mga tagapaglingkod sa bahay. Alam niyang papasok si Jose upang gawin ang kaniyang trabaho. Pagpasok ni Jose, sinunggaban niya ang kasuutan nito at nakiusap: “Sipingan mo ako!” Kumilos agad si Jose at nagpumiglas pero mahigpit ang hawak ng asawa ni Potipar sa kasuutan niya. Nakaalpas siya at tumakas subalit naiwan ang kasuutan niya!—Genesis 39:11, 12.

Ipinaaalaala nito sa atin ang kinasihang payo ni apostol Pablo: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Isa ngang huwaran si Jose para sa lahat ng Kristiyano! Maaaring hindi natin maiwasang makahalubilo ang mga taong hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa moral, pero hindi ibig sabihin na magpapadala na tayo sa maling mga impluwensiya. Anuman ang mangyari, dapat tayong tumakas.

Sa kaso ni Jose, malaki ang naging kapalit nito. Gustong maghiganti ng asawa ni Potipar. Nagsisigaw siya at tinawag ang iba pang tagapaglingkod. Sinabi niya na pinagtangkaan siyang halayin ni Jose at tumakbo ito nang sumigaw siya. Itinago niya ang kasuutan ni Jose bilang katibayan at hinintay na makauwi ang asawa niya. Pagdating ni Potipar, gayunding kasinungalingan ang sinabi niya, na ipinahihiwatig pa nga na kasalanan ito ng asawa niya dahil dinala nito ang banyaga sa bahay nila. Ano ang reaksiyon ni Potipar? Mababasa natin: “Ang kaniyang galit ay lumagablab”! Ipinakulong niya si Jose.—Genesis 39:13-20.

MAY “MGA PANGAW ANG KANIYANG MGA PAA”

Kaunti lang ang nalalaman natin tungkol sa mga bilangguan sa Ehipto noon. Natuklasan ng mga arkeologo ang mga guho ng gayong mga lugar—malalaking gusali na may mga selda at mga kulungan sa ilalim ng lupa. Nang maglaon, inilarawan ni Jose ang lugar na iyon sa isang salitang literal na nangangahulugang “hukay,” isang lugar na madilim at walang pag-asa. (Genesis 40:15, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Sa aklat ng Mga Awit, mababasa natin na dumanas pa si Jose ng higit na pahirap: “Sinaktan nila ng mga pangaw ang kaniyang mga paa, sa mga bakal ay nalagay ang kaniyang kaluluwa.” (Awit 105:17, 18) Kung minsan, ang mga bilanggo sa Ehipto ay iginagapos para matali sa likuran ang mga braso nila; ang iba ay may mga kulyar na bakal sa leeg. Napakahirap ng dinanas ni Jose—gayong wala naman siyang ginawang karapat-dapat sa parusang iyon!

Isa pa, hindi ito panandalian lang. Sinasabi ng ulat na si Jose ay ‘nanatili sa bilangguan.’ Gumugol siya ng mga taon sa kahila-hilakbot na lugar na iyon! * Hindi alam ni Jose kung mapalalaya pa siya. Habang ang nakatatakot na mga araw ay naging mga linggo, at mga buwan, paano niya nagawang hindi mawalan ng pag-asa?

Ganito ang sinasabi ng ulat: “Si Jehova ay nanatiling sumasa kay Jose at patuloy na naggagawad ng maibiging-kabaitan sa kaniya.” (Genesis 39:21) Walang pader ng bilangguan, pangaw, o madilim na kulungan ang makapaghihiwalay sa matapat na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. (Roma 8:38, 39) Maguguniguni natin si Jose na sinasabi sa mahal niyang Ama sa langit ang kaniyang matinding paghihirap at pagkatapos ay makadama ng kapayapaan at kapanatagan na maibibigay lamang ng “Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3, 4; Filipos 4:6, 7) Ano pa ang ginawa ni Jehova para kay Jose? Mababasa natin na patuloy niyang pinagkalooban si Jose ng “lingap sa paningin ng punong opisyal ng bahay-bilangguan.”

Ang mga bilanggo ay may mga gawain, at muling binigyan ni Jose si Jehova ng dahilan para pagpalain siya. Ginawa niya ang kaniyang buong makakaya sa anumang atas na ibinigay sa kaniya at ipinauubaya ang iba pa kay Jehova. Dahil pinagpapala ni Jehova, nakamit ni Jose ang pagtitiwala at paggalang, gaya noong nasa sambahayan siya ni Potipar. Mababasa natin: “Kaya ipinaubaya ng punong opisyal ng bahay-bilangguan sa kamay ni Jose ang lahat ng bilanggo na nasa bahay-bilangguan; at siya ang nagpapagawa ng lahat ng bagay na ginagawa nila roon. Hindi nga tinitingnan ng punong opisyal ng bahay-bilangguan ang anumang bagay na nasa kaniyang kamay, sapagkat si Jehova ay sumasa kay Jose at ang kaniyang ginagawa ay pinagtatagumpay ni Jehova.” (Genesis 39:22, 23) Isa ngang kaaliwan para kay Jose na malamang tinutulungan siya ni Jehova!

Masipag si Jose sa bilangguan, at pinagpala siya ni Jehova

Maaaring dumanas tayo ng kapaha-pahamak na mga pagbabago at malupit na kawalang-katarungan pa nga, pero may matututuhan tayo sa pananampalataya ni Jose. Kung mananatili tayong malapít kay Jehova sa panalangin, mananatiling tapat sa kaniyang mga utos, at magsisikap na gawin ang tama sa kaniyang paningin, bibigyan din natin siya ng dahilan para pagpalain tayo. Sa kaso ni Jose, higit pang mga pagpapala mula kay Jehova ang darating, gaya ng makikita natin sa susunod na mga artikulo sa seryeng ito.

^ par. 23 Ipinahihiwatig ng Bibliya na si Jose ay mga 17 o 18 anyos nang magtrabaho sa bahay ni Potipar at nanatili siya roon hanggang sa magbinata—marahil mga ilang taon. At 30 anyos siya nang mapalaya sa bilangguan.—Genesis 37:2; 39:6; 41:46.