Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Ba Akong Mangutang?

Dapat Ba Akong Mangutang?

“Ang pangungutang ay parang kasalan; ang pagbabayad ay parang namatayan.” —Kasabihan sa Swahili.

ANG kasabihang ito ay popular sa mga taga-Silangang Aprika, at tiyak na ganiyan din ang opinyon ng marami sa buong daigdig. Ganiyan din ba ang opinyon mo tungkol sa pangungutang sa isang kaibigan o sa iba? Kahit may mga panahon na parang kailangan mong mangutang, magandang ideya kaya ito? Ano ang mga panganib at pinsalang dulot ng pangungutang?

Ipinaliwanag ng isa pang kasabihan sa Swahili ang talagang problema: “Ang pangungutang at pagpapautang ay sumisira sa pagkakaibigan.” Oo, maaaring manganib ang pagkakaibigan at mga ugnayan dahil sa pangungutang. Kahit napakaganda ng plano at intensiyon, hindi laging nangyayari ang inaasahan. Halimbawa, kapag lumipas ang panahon nang hindi ka nakakabayad ng utang, baka magalit ang nagpautang. Puwedeng magkasamaan ng loob ang nagpautang at nangutang at masira pa ang ugnayan sa pagitan nila at ng kani-kanilang pamilya. Yamang ang mga utang ay posibleng pagmulan ng alitan, isipin lang ito kapag wala na talagang mapagpipilian.

Maisasapanganib din ng pangungutang ang kaugnayan ng isa sa Diyos. Paano? Una sa lahat, sinasabi ng Bibliya na napakasama ng taong nangungutang at hindi nagbabayad. (Awit 37:21) Nililiwanag din nito na “ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.” (Kawikaan 22:7) Dapat maisip ng nangutang na hangga’t hindi siya nakakabayad, may obligasyon siya sa nagpautang. Totoo rin ang isa pang kasabihan sa Aprika: “Kung paa ang hiniram mo sa isang tao, pupunta ka kung saan ka niya dalhin.” Ibig sabihin, ang taong baón sa utang ay walang kalayaang gawin ang gusto niya.

Kaya dapat unahin ang pagbabayad ng utang para hindi magkaproblema. Kapag lumalaki ang utang, maaaring ma-stress ang isa, hindi makatulog sa gabi, trabaho nang trabaho, mag-away ang mag-asawa, magkawatak-watak pa nga ang pamilya, at posible ring mademanda o makulong. Maganda talaga ang payo sa Roma 13:8: “Huwag kayong magkautang sa kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa.”

KAILANGAN BA ITO?

Dahil sa mga nabanggit, dapat lang na mag-ingat sa pangungutang. Makabubuting itanong: Kailangan ba talagang mangutang? Kailangan ba ito para maisalba ang ikinabubuhay ng inyong pamilya? O ito ba’y may bahid ng kasakiman, marahil sa kagustuhang mamuhay nang higit sa kaya mo? Karaniwan na, makabubuting maging kontento kaysa sa mangutang.

Siyempre pa, may mga eksepsiyon, gaya ng kapag may emergency at wala nang ibang paraan kundi mangutang. Gayunpaman, kung mangungutang ang isa, dapat niyang ipakita na siya ay taong may prinsipyo. Paano?

Una, hindi dapat samantalahin ang isang tao dahil lang sa tingin natin ay mas mayaman siya kaysa sa iba. Hindi natin dapat isipin na komo parang mayaman ang isa, obligado siyang tulungan tayo sa pinansiyal. Ni dapat man nating isipin na hindi tayo obligadong magbayad sa gayong tao. Huwag mainggit sa mga mukhang maganda ang kabuhayan.—Kawikaan 28:22.

Tiyakin ding bayaran agad ang iyong inutang. Kung ang nagpautang ay hindi nagtakda ng panahon ng pagbabayad, ikaw ang magtakda, at magbayad ka sa itinakda mong panahon. Iminumungkahi na gumawa ng kasulatan para maiwasan ang di-pagkakaunawaan. (Jeremias 32:9, 10) Kung posible, ikaw mismo ang magbayad para mapasalamatan mo siya. Kung tapat ka sa pagbabayad, magkakaroon kayo ng mabuting ugnayan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Isa pa, laging tandaan ang Gintong Aral: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.

KAPAKI-PAKINABANG NA MGA TUNTUNIN SA BIBLIYA

Ang Bibliya ay nagbibigay ng simpleng panlaban sa tendensiya na mangutang: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili.” (1 Timoteo 6:6) Ibig sabihin, dapat maging kontento sa kung ano ang mayroon ka para maiwasan ang masaklap na mga resulta ng pangungutang. Pero hindi talaga madaling makontento sa isang daigdig na ang hilig ay makuha agad ang gusto. Diyan pumapasok ang “makadiyos na debosyon.” Paano?

Kuning halimbawa ang mag-asawang Kristiyano sa Asia. Noong medyo bata-bata pa sila, hangang-hanga sila sa mga nakabili ng sariling bahay. Kaya nagpasiya silang bumili ng bahay gamit ang kanilang ipon at inutang na pera sa bangko at sa mga kamag-anak. Pero di-nagtagal, nabigatan na sila sa mataas na bayarin buwan-buwan. Kumuha sila ng dagdag na trabaho at palaging nag-o-overtime, anupat wala na silang gaanong panahon para sa kanilang mga anak. “Ang sakit ng ulo ko dahil sa stress, pasakit, at kulang sa tulog. Nakakasakal,” ang sabi ng asawang lalaki.

“Ang pagtingin sa materyal na mga bagay mula sa espirituwal na pananaw ay isang proteksiyon”

Nang maglaon, naalaala nila ang sinasabi sa 1 Timoteo 6:6 at nagpasiya na ang tanging solusyon ay ibenta ang bahay. Dalawang taon bago sila nakaahon mula sa pagkabaon sa utang. Ano ang natutuhan nila sa kanilang karanasan? “Ang pagtingin sa materyal na mga bagay mula sa espirituwal na pananaw ay isang proteksiyon,” ang sabi nila.

Pamilyar sa marami ang kasabihan sa Swahili na nabanggit sa simula. Pero hindi nito napigilan ang mga tao sa pangungutang. Ayon sa tinalakay na mga simulain sa Bibliya, hindi ba isang katalinuhan na pag-isipang mabuti ang tanong na, Dapat ba akong mangutang?