Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG NG MGA MAMBABASA . . .

Ang Easter Ba ay Isang Kristiyanong Selebrasyon?

Ang Easter Ba ay Isang Kristiyanong Selebrasyon?

Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang Easter ang “pangunahing kapistahan ng Simbahang Kristiyano para ipagdiwang ang Pagkabuhay-Muli ni Jesu-Kristo.” Pero isa nga ba itong Kristiyanong selebrasyon?

Para masabing tunay ang isang sinaunang bagay, napakahalagang suriin muna ang detalye. Sa katulad na paraan, para malaman kung Kristiyanong selebrasyon nga ba ang Easter, kailangan nating suriin ang mga detalye na nauugnay rito.

Una sa lahat, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na alalahanin, hindi ang kaniyang pagkabuhay-muli, kundi ang kaniyang kamatayan. Ang okasyong ito ay tinawag ni apostol Pablo na “hapunan ng Panginoon.”—1 Corinto 11:20; Lucas 22:19, 20.

Binanggit pa ng Britannica na marami sa mga tradisyon sa Easter ang “halos walang kaugnayan” sa pagkabuhay-muli ni Jesus, “kundi nagmula sa sinaunang mga kaugalian.” Halimbawa, popular kung Easter ang itlog at kuneho. Ayon sa The Encyclopedia of Religion: “Ang itlog ay sumasagisag sa bagong buhay na lumalabas mula sa tila patay (matigas) na balat ng itlog.” Idinagdag pa nito: “Kilala ang kuneho na napakadaling magkaanak, kung kaya sumasagisag ito sa pagdating ng tagsibol.”

Ipinaliwanag ni Philippe Walter, isang propesor ng mga panitikang isinulat noong Edad Medya, kung paano naging bahagi ng selebrasyon ng Easter ang mga kaugaliang iyon. Isinulat niya na “sa proseso ng pagkumberte ng mga paganong relihiyon sa Kristiyanismo,” madaling maiugnay sa pagkabuhay-muli ni Jesus ang paganong kapistahan na nagdiriwang ng “pagbabago mula sa kamatayan ng taglamig tungo sa buhay ng tagsibol.” Idinagdag pa ni Walter na mahalagang paraan iyon para maisama ang “mga selebrasyong Kristiyano” sa kalendaryong pagano, sa gayo’y naging madali ang pagkumberte sa mga pagano.

Hindi nangyari ang gayong pagkumberte noong buháy pa ang mga apostol dahil nagsilbi silang “pamigil” laban sa paganismo. (2 Tesalonica 2:7) Nagbabala si apostol Pablo na “pag-alis” niya, ang mga lalaki ay “babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) Isinulat din ni apostol Juan na noong huling bahagi ng unang siglo, inililigaw na ng ilan ang mga Kristiyano. (1 Juan 2:18, 26) Simula na iyon ng pagpasok ng mga paganong kaugalian.

“Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.”—2 Corinto 6:14

Iniisip naman ng ilan na hindi maling tanggapin ang ilang kaugalian ng Easter—nakatulong pa nga ito para mas maunawaan ng mga “pagano” ang kahulugan ng pagkabuhay-muli ni Jesus. Pero hindi papayag dito si Pablo. Bagaman napaharap siya sa maraming kaugaliang pagano habang naglalakbay sa Imperyo ng Roma, hindi niya sinunod ang alinman sa mga ito para lang maipakilala si Jesus sa mga tao. Sa halip, nagbabala siya sa mga Kristiyano: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’”—2 Corinto 6:14, 17.

Kaya ano ang resulta ng ating pagsusuri sa mga detalye? Maliwanag na ang Easter ay hindi isang Kristiyanong selebrasyon.