Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Isang Pamana Hanggang sa Ikapitong Henerasyon

Isang Pamana Hanggang sa Ikapitong Henerasyon

May mga nagsasabing kamukha ko raw ang tatay ko. Namana ko raw sa kaniya ang tindig ko, mata, at pagiging palabiro. Pero may isang bagay pa siyang ipinamana—isang kasaysayan ng paglilingkod kay Jehova na pinakaingat-ingatan ng aming pamilya hanggang sa ikapitong henerasyon. Ikukuwento ko sa inyo.

Tinitingnan namin ni Daddy ang kasaysayan ng paglilingkod ng aming pamilya

Noong Enero 20, 1815, ipinanganak ang ninuno kong si Thomas (1) a Williams sa Horncastle, England. Makalipas ang dalawang taon, namatay ang nanay niya, kaya siya at ang tatlo niyang kapatid ay pinalaki ng kanilang tatay na si John Williams. Tinuruan ni Lolo John si Lolo Thomas na magkarpintero, pero ibang karera ang gusto ni Lolo Thomas.

Laganap noon sa England ang pagpapasigla sa relihiyon. Ang mángangarál na si John Wesley ay humiwalay sa Church of England at binuo ang Society of Methodists—isang grupo na nakapokus sa personal na pag-aaral ng Bibliya at pag-eebanghelyo. Mabilis na kumalat ang mga turo ni Wesley, at mahigpit na nanghawakan dito ang pamilya Williams. Si Lolo Thomas ay naging isang mángangarál na Wesleyan at agad nagboluntaryong magmisyonero sa South Pacific. Noong Hulyo 1840, siya at ang mapapangasawa niyang si Mary (2) ay dumating sa Lakeba Island, b Fiji, isang bulkanikong isla na noo’y pinaninirahan ng mga kanibal.

PANINIRAHAN KASAMA NG MGA KANIBAL

Noong unang mga taon nila sa Fiji, grabe ang dinanas na hirap nina Lolo Thomas at Lola Mary. Mahabang oras silang nagtatrabaho sa mahihirap na kalagayan at matinding init ng araw. Nasaksihan din nila ang nakapangingilabot na mga krimen—labanan ng mga tribo, pagbigti sa mga biyuda, pagpatay sa mga sanggol, at kanibalismo. At karamihan ng tao roon ay tumatanggi sa kanilang mensahe. Nagkasakit at halos mamatay si Lola Mary at ang panganay niyang anak na si Lolo John. Noong 1843, sumulat si Lolo Thomas: “Lumong-lumo ako. . . . Halos desperado na ako.” Pero nagtiis sila ni Lola Mary, anupat humuhugot ng lakas sa kanilang pananampalataya sa Diyos na Jehova.

Samantala, ginamit ni Lolo Thomas ang husay niya sa pagkakarpintero nang magtayo siya ng bahay na istilong Europeo—ang kauna-unahan sa Fiji. Kakaiba ang disenyo ng bahay na ito, gaya ng sahig na nakaangat sa lupa para sa bentilasyon, kaya maraming tagaroon ang naging interesado rito. Bago pa matapos ang bahay, isinilang ni Lola Mary ang pangalawa niyang anak, si Thomas Whitton (3) Williams, ang tatay ng lolo ko sa talampakan.

Noong 1843, si Thomas senior ay tumulong sa pagsasalin ng Ebanghelyo ni Juan sa wikang Fijian, na ayon sa kaniya ay isang mahirap na atas. c Pero isa siyang bihasang antropologo na magaling kumilatis ng mga detalye. Ang mga nasaliksik niya ay maingat niyang inirekord sa kaniyang aklat na Fiji and the Fijians (1858), isang napakahusay na ulat tungkol sa buhay sa Fiji noong ika-19 na siglo.

Sa 13 taon ng kaniyang pagpapagal sa Fiji, nagkasakit si Lolo Thomas, kaya siya at ang pamilya niya ay lumipat sa Australia. Matapos ang mahabang karera bilang iginagalang na klerigo, si Lolo Thomas ay namatay sa Ballarat, Victoria, noong 1891.

“GINTO” SA KANLURAN

Noong 1883, ang lolo ko namang si Thomas Whitton Williams at ang asawa niyang si Phoebe, (4) kasama ang kanilang mga anak, ay lumipat sa Perth, Western Australia. Siyam na taon noon ang kanilang pangalawang anak na si Arthur Bakewell (5) Williams, ang lolo ko sa talampakan.

Noong 22 anyos si Lolo Arthur, lumipat siya sa Kalgoorlie, isang maunlad na bayan na minahan ng ginto at mga 600 kilometro sa silangan ng Perth. Doon, nakabasa siya ng ilang literatura na inilathala ng International Bible Students, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nag-subscribe din siya ng Zion’s Watch Tower. Wiling-wili siya sa kaniyang nabasa, kung kaya ikinuwento niya agad ito sa iba at nagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Diyan nagsimula ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Western Australia.

Sinabi rin ni Lolo Arthur sa pamilya niya ang mga natututuhan niya. Sinuportahan siya ng tatay niyang si Thomas Whitton sa kaniyang pakikisama sa mga Estudyante ng Bibliya, pero di-nagtagal ay namatay ito. Maging ang nanay niyang si Phoebe, pati ang mga kapatid niyang sina Violet at Mary ay naging mga Estudyante ng Bibliya. Si Lola Violet ay naging buong-panahong ebanghelisador, o payunir. Ayon kay Lolo Arthur, si Lola Violet ang “pinakamahusay at pinakamasigasig na payunir ng Western Australia.” Siguro may pagtatangi lang si Lolo Arthur, pero ang sigasig ni Lola Violet ay nakaimpluwensiya nang husto sa sumunod na henerasyon ng mga Williams.

Nang maglaon, nag-asawa si Lolo Arthur at nanirahan sa Donnybrook, isang bayang taniman ng mga prutas sa timog-kanluran ng Western Australia. Doon, binansagan siyang “Old Mad 1914!” dahil sa kaniyang sigasig sa paghahayag ng mga hula sa Bibliya na patungkol sa taóng iyon. d Huminto lang ang panunukso nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Laging nagpapatotoo si Lolo Arthur sa mga bumibili sa kaniyang tindahan, kung saan nagdidispley siya ng mga literatura sa Bibliya na kitang-kita sa bintana. May karatula din sa bintana na nag-aalok ng 100 Australian pounds sa sinumang makapagpapatunay sa Trinidad—isang di-makakasulatang doktrina na tinututulan ni Lolo Arthur. Wala ni isa mang nakakuha sa perang iyon.

Ang bahay ng mga Williams ang naging tagpuan para sa pag-aaral ng Bibliya ng kanilang grupo at mga pulong ng kongregasyon sa Donnybrook. Nang maglaon, si Lolo Arthur ay nagtayo sa bayan ng isang Kingdom Hall, o dakong pinagtitipunan—ang isa sa mga unang Kingdom Hall sa Western Australia. Kahit noong mahigit 70 anyos na siya, magsusuot siya ng amerikana at kurbata, sasakay sa kaniyang kabayo na tinatawag niyang Doll, at mangangaral sa iba’t ibang dako sa buong distrito ng Donnybrook.

Ang mga anak ni Lolo Arthur ay naimpluwensiyahan ng kanilang tatay, na tahimik at kagalang-galang, pero masigasig. Ang anak niyang si Florence (6) ay naging misyonera sa India. Ang mga anak naman niyang lalaki na sina Arthur Lindsay (7) at Thomas ay naglingkod nang matagal bilang mga elder sa kongregasyon, tulad ng kanilang tatay.

“MATAMIS” NA LADY WILLIAMS

Ang lolo ko sa tuhod, si Arthur Lindsay Williams, ay kilalá naman at minahal dahil sa kabaitan niya. Lagi siyang may panahon sa mga tao at magalang niya silang pinakitunguhan. Kampeon din siya pagdating sa palakol. Sa loob ng 12 taon, 18 beses siyang nanalo sa panrehiyong paligsahan sa pagsibak ng kahoy.

Pero hindi natuwa si Lolo Arthur nang tagain ng palakol ng dalawang-taóng gulang niyang anak na si Ronald (8) (ang lolo ko) ang maliit na puno ng mansanas na nasa tabi ng bahay. Maingat na tinalian ng nanay ni Lolo Ronald ang puno; sa kalaunan, namunga ito ng pagkatamis-tamis na mga mansanas. Tinawag itong Lady Williams apple, ang bagong uri ng mansanas na siyang pinagmulan naman ng tinatawag na Cripps Pink apple, isa sa pinakapopular na uri ng mansanas sa buong daigdig.

Nang maglaon, bumaling sa mas kapaki-pakinabang na gawain si Lolo Ronald, o Gramp, gaya ng tawag ko sa kaniya. Sila ni Lola ay maraming taon nang naglilingkod bilang mga boluntaryo sa mga proyekto ng pagtatayo na isinasagawa ng mga Saksi sa Australia at Solomon Islands. Halos 80 anyos na si Gramp ngayon, pero elder pa rin siya sa kongregasyon at tumutulong pa rin sa pagtatayo at pagre-renovate ng mga Kingdom Hall sa Western Australia.

PAGPAPAHALAGA SA AKING PAMANA

Sumunod din sa yapak ng pamilya ang aming mga magulang na sina Geoffrey (9) at Janice (10) Williams. Sinikap nila nang husto na palakihin ang kapatid ko, si Katharine, (11) at ako (12) na may pagpapahalaga sa mga simulaing Kristiyano. Sa edad na 13, ipinasiya kong magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Habang nasa isang asambleang Kristiyano, kaming mga kabataan ay pinasigla ni John E. Barr, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova: “Huwag ninyong sayangin ang pinakamahalagang bagay na meron kayo—ang pagkakataong makilala at mahalin si Jehova.” Nang gabing iyon, inialay ko kay Jehova ang buhay ko. Makalipas ang dalawang taon, nagpayunir na ako.

Sa ngayon, ako at ang misis kong si Chloe ay masayang naglilingkod nang buong panahon sa Tom Price, isang liblib na bayan na may minahan sa hilagang-kanluran ng Western Australia. May part-time na trabaho kami para masuportahan ang mga pangangailangan namin. Ang mga magulang ko, pati na rin ang kapatid kong si Katharine at ang asawa niyang si Andrew, ay mga payunir sa Port Hedland, na mga 420 kilometro sa hilaga ng Western Australia. Kami ni Daddy ay mga elder sa kongregasyon.

Pitong henerasyon ang nakalilipas, determinado ang ninuno kong si Thomas Williams na paglingkuran ang Diyos na Jehova. Ang pananampalataya at paglilingkod na iyon ay naipamana hanggang sa akin. Talagang pinagpala ako ng gayong mayamang espirituwal na pamana.

a Ang numero ay katugma ng mga taong nasa larawan sa pahina 12 at 13.

b Lakemba Island ang dati nitong pangalan, na nasa silangang Lau Group sa Fiji.

c Isinalin ng misyonerong si John Hunt ang karamihan sa nilalaman ng Bagong Tipan sa wikang Fijian, na inilathala noong 1847. Kapansin-pansin, ginamit sa salin ang banal na pangalang “Jiova.”

d Tingnan ang paksang “1914—Isang Mahalagang Taon sa Hula ng Bibliya” sa apendise ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available online sa www.ps8318.com/tl.