TALAMBUHAY
Sobra-sobra ang Ibinigay sa Akin ni Jehova
Ako’y 17 anyos lang noon at gaya ng maraming kabataan, may mga álalahanín at ambisyon din ako. Mahilig akong makisama sa mga kaibigan ko, mag-swimming, at maglaro ng soccer. Pero isang gabi, biglang nagbago ang buhay ko. Naaksidente ako sa motorsiklo, anupat naging paralisado mula leeg pababa. Mga 30 taon na iyon, at gayon katagal na rin akong paralisado.
Lumaki ako sa lunsod ng Alicante, sa silangang baybayin ng Spain. Napakagulo ng pamilya ko, kaya naging laman ako ng kalye noong kabataan ko. May vulcanizing shop malapit sa bahay namin. Naging kaibigan ko ang isang trabahador doon, si José María. Mabait siya at binigyan niya ako ng atensiyon na hinahanap-hanap ko sa aking pamilya. Kapag may problema ako, para siyang tunay na kapatid—isang tunay na kaibigan, kahit 20 taon ang tanda niya sa akin.
Si Kuya José María ay nakikipag-aral noon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gustong-gusto niya ang Bibliya, at kadalasang ibinabahagi niya sa akin ang mga katotohanan sa Bibliya. Pinakikinggan ko siya, pero hindi talaga ako interesado sa mga sinasabi niya. Bilang tin-edyer, abalá ako sa ibang mga bagay. Pero magbabago iyan.
ISANG AKSIDENTENG BUMAGO SA BUHAY KO
Ayoko nang pag-usapan pa ang tungkol sa aksidenteng iyon. Ang masasabi ko lang ay na iresponsable ako at walang-ingat. Sa loob lang ng isang araw, lubusang nagbago ang buhay ko. Kung dati ay isa akong tin-edyer na punô ng sigla, heto ako ngayon, paralisado at nasa ospital na lang. Hindi ko matanggap ang kalagayan ko. Lagi kong itinatanong, ‘Ano pa’ng silbi ng mabuhay?’
Dinalaw ako ni Kuya José María, at agad niyang isinaayos na dalawin ako sa ospital ng mga Saksi ni Jehova mula sa kongregasyon doon. Naantig ako sa regular na pagdalaw nila sa akin. Nang maalis ako sa intensive care unit, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya. Nalaman ko ang katotohanan kung bakit nagdurusa at namamatay ang tao at kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay. Natutuhan ko rin ang tungkol sa mga pangako ng Diyos sa hinaharap, kapag ang buong lupa ay mapupunô ng sakdal na mga tao at wala nang magsasabi: “Ako ay may sakit.” (Isaias 33:24) Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng kamangha-manghang pag-asa ang buhay ko.
Nang makauwi na ako, mabilis akong sumulong sa pag-aaral ng Bibliya. Gamit ang isang espesyal na wheelchair, nakadadalo ako sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at nakakasama sa pangangaral. Noong Nobyembre 5, 1988, sa edad na 20, nabautismuhan ako sa isang pantanging bathtub. Sa tulong ng Diyos na Jehova, nagkaroon ako ng bagong pananaw sa buhay. Pero paano ko maipakikita ang aking pasasalamat?
ABALA KAHIT DI-MAKAKILOS
Sa kabila ng aking kalagayan, determinado akong patuloy na gawin ang makakaya ko sa paglilingkod kay Jehova. Gusto kong sumulong. (1 Timoteo 4:15) Hindi ito naging madali noong una, kasi humahadlang ang pamilya ko. Pero nandiyan naman ang mga kapananampalataya ko—ang aking espirituwal na mga kapatid. Tinitiyak nila na makadadalo ako sa lahat ng pulong at na regular na makakasama sa pangangaral.
Pero sa paglipas ng panahon, naging maliwanag na kakailanganin ko ang 24-oras na pantanging pangangalaga. Matapos ang mahabang paghahanap, nakakita ako sa lunsod ng Valencia, na 160 kilometro sa hilaga ng Alicante, ng isang angkop na center para sa mga may kapansanan. Ito na ang naging permanenteng tahanan ko.
Kahit paralisado ako, determinado akong ibahagi sa iba ang aking pananampalataya
Kahit paralisado ako, determinado akong patuloy na maglingkod kay Jehova. Gamit ang aking pensiyon at tulong na salapi ng pamahalaan para sa mga may kapansanan, nakabili ako ng computer, na ipinalagay ko malapit sa aking kama. Nakabili rin ako ng cellphone. Tuwing umaga, binubuksan ng isang caregiver ang computer at cellphone ko. Para ma-operate ko ang computer, gumagamit ako ng joystick na kinokontrol ng baba ko. Mayroon din akong isang espesyal na patpat na nasa bibig ko para makapag-type ako sa keyboard at makapag-dial ng numero sa aking cellphone.
Paano nakatulong sa akin ang mga gadyet ko? Dahil dito, nakaka-access ako sa website na jw.org at sa Watchtower ONLINE LIBRARY. Napakalaking tulong nito sa akin! Araw-araw akong nag-aaral at nagsasaliksik ng mga publikasyong salig sa Bibliya para patuloy akong matuto tungkol sa Diyos at sa magagandang katangian niya. At sa tuwing nalulungkot ako o medyo nasisiraan ng loob, nariyan ang website na nagpapasaya sa akin.
Dahil din sa computer kung kaya nakakapakinig ako at nakakabahagi sa mga pulong sa kongregasyon. Nagagawa ko ring magkomento, manalangin, magpahayag, at magbasa ng Bantayan kapag nakaatas ito sa akin. Hindi man ako presente sa mga pulong, damang-dama kong bahagi ako ng kongregasyon.
Dahil sa cellphone at computer, nagagawa kong makibahagi nang lubusan sa pangangaral. Totoo, hindi ko kayang magbahay-bahay gaya ng ginagawa ng karamihan sa mga Saksi ni Jehova. Pero hindi iyan naging hadlang sa akin. Sa tulong ng mga gadyet ko, naibabahagi ko sa iba ang aking pananampalataya. Sa katunayan, gustong-gusto ko ang pakikipag-usap sa telepono, anupat hiniling ng mga elder sa kongregasyon namin na magsaayos ako ng iskedyul ng pagpapatotoo sa telepono. Malaking tulong ito lalo na sa mga miyembro ng kongregasyon na hindi na makaalis ng kanilang bahay.
Pero hindi lang naman sa mga gadyet umiikot
ang buhay ko. Araw-araw, dinadalaw ako ng mga kaibigan ko. Nagsasama sila ng mga kamag-anak at mga kakilala na interesado sa Bibliya. Madalas, hinihiling nila na ako ang manguna sa talakayan. Kung minsan naman, dinadalaw ako ng isang buong pamilya at isinasali ako sa kanilang pampamilyang pagsamba. Gustong-gusto ko lalo na kapag umuupo sa tabi ko ang maliliit na bata at sinasabi sa akin kung bakit nila mahal si Jehova.Nagpapasalamat ako na maraming dumadalaw sa akin. Laging punô ng tao ang kuwarto ko dahil sa mga kaibigan mula sa iba’t ibang lugar. Nagugulat tuloy ang mga caregiver sa center sa pagmamahal na ipinakikita sa akin. Araw-araw, ipinagpapasalamat ko kay Jehova na naging bahagi ako ng kahanga-hangang kapatirang ito.
TULOY SA PAGLABAN
Sa tuwing may babati at mangungumusta sa akin, simple lang ang sagot ko, “Heto, tuloy pa rin sa paglaban!” Siyempre pa, alam kong hindi naman ako nag-iisa sa labang ito. Anuman ang ating kalagayan o kapansanan, lahat ng Kristiyano ay nasa pakikipaglaban—“ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.” (1 Timoteo 6:12) Ano ang nakatulong sa akin na patuloy na lumaban sa loob ng maraming taon? Nananalangin ako araw-araw at nagpapasalamat kay Jehova dahil binigyan niya ng layunin ang buhay ko. Sinisikap ko ring maging abalá hangga’t maaari sa paglilingkod sa Diyos, na itinutuon ang aking mata sa pag-asa sa hinaharap.
Lagi kong iniisip ang bagong sanlibutan, pati ang pakiramdam ng muling tumakbo at tumalon. Kung minsan, binibiro ko ang mabait kong kaibigan na si Kuya José María—na may polio—na mag-marathon kami. “Sino kaya ang mananalo?” ang tanong ko. “Hindi mahalaga kung sino ang mananalo,” ang sagot niya. “Ang mahalaga, naroon tayo sa Paraiso para magkarera.”
Hindi madali sa akin na tanggaping paralisado ako. Alam kong naging iresponsable ako noong tin-edyer ako, na pinagdurusahan ko ngayon. Pero sa kabila nito, nagpapasalamat ako na hindi ako pinabayaan ni Jehova. Napakarami niyang ibinigay sa akin—isang malaking espirituwal na pamilya, ang pagnanais na mabuhay, ang kagalakang makatulong sa iba, at isang kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap. Kung sasabihin ko ang niloloob ko sa isang pangungusap lang, siguro ang sasabihin ko ay na sobra-sobra ang ibinigay sa akin ni Jehova.