KAMPANYA SA MEMORYAL
Aalisin ni Jesus ang Krimen
Alam ni Jesus ang pakiramdam na mabiktima ng krimen at kawalang-katarungan. Pinaratangan siya, ilegal na binugbog at nilitis, at hinatulan ng kamatayan. Wala siyang ginawang mali, pero kusa niyang ibinigay “ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28; Juan 15:13) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, malapit na niyang bigyan ng katarungan ang lahat ng tao at permanenteng alisin ang krimen sa buong mundo.—Isaias 42:3.
Ganito ang sinasabi ng Bibliya na magiging kalagayan ng mundo kapag kumilos na si Jesus:
“Ang masasama ay mawawala na; titingnan mo ang dati nilang kinaroroonan, pero hindi mo sila makikita roon. Pero ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Paano natin maipapakita ang pasasalamat natin sa mga ginawa at gagawin pa ni Jesus para sa atin? Sa Lucas 22:19, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na alalahanin ang kamatayan niya. Kaya naman bawat taon, nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa anibersaryo ng kamatayan niya. Sana makasama ka namin sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus sa araw ng Linggo, Marso 24, 2024.