PATULOY NA MAGBANTAY!
Krisis sa Ukraine—Paglikas ng Milyon-milyon
Nagsimulang umatake ang militar ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 24, 2022. Dahil dito, nanganganib ang buhay ng milyon-milyong tao, at nagsimula na silang lumikas ng bansa. a
“Sobrang nakakatakot. ’Di ko maipaliwanag. May mga bomba at mga pagsabog. Kaya nang malaman namin na may mga evacuation train, nagpasiya kaming umalis. Marami kaming kinailangang iwan kasi isang backpack lang ang madadala ng bawat isa sa amin. Mga dokumento, gamot, tubig, tsaka pagkain lang ang nadala namin. Pagkatapos, pumunta na kami sa istasyon ng tren habang may mga sumasabog sa paligid namin.”—Nataliia, mula sa Kharkiv, Ukraine.
“Hindi talaga namin inasahan na magkakaroon ng giyera. Naririnig ko y’ong mga pagsabog sa lugar namin, at nakikita ko y’ong mga bintana na nanginginig. Kaya umalis na ako at kinuha ko lang ang mga kailangan ko. Umalis ako sa bahay nang 8:00 ng umaga. Pagkatapos, sumakay ako ng tren papuntang Lviv at nag-bus papuntang Poland.”—Nadija, mula sa Kharkiv, Ukraine.
Sa artikulong ito
Bakit ba nangyayari ang krisis na ito?
Totoo, nagkaroon ng ganitong krisis sa Ukraine dahil sa pag-atake ng militar ng Russia. Pero sinasabi ng Bibliya ang pinakadahilan kung bakit may mga ganitong krisis:
Hindi naibibigay ng mga gobyerno ng tao sa buong mundo ang pangangailangan ng mga mamamayan nito. Kadalasan nang ginagamit ng mga nasa awtoridad ang kapangyarihan nila para kontrolin ang iba o lamangan ang mga ito.—Eclesiastes 4:1; 8:9.
Si Satanas na Diyablo, “ang tagapamahala ng mundo,” ay may masamang impluwensiya sa mga tao. Kaya sinasabi ng Bibliya: “Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.”—Juan 14:30; 1 Juan 5:19.
Bukod pa sa mga problemang naranasan ng mga tao daan-daang taon na ang nakakalipas, sinasabi ng Bibliya na nabubuhay na tayo ngayon “sa mga huling araw [na] magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Timoteo 3:1) Sinasabi rin nito ang mga pangyayari na magiging palatandaan ng mga huling araw, gaya ng mga digmaan, likas na mga sakuna, taggutom, at epidemya—mga pangyayari na nagiging dahilan kung bakit lumilikas ang mga tao.—Lucas 21:10, 11.
Saan makakapagtiwala ang mga lumikas o mga refugee?
Ipinapakita ng Bibliya na mahal niya at naaawa si Jehova, b ang ating Maylalang, sa mga refugee at sa mga taong kinailangang iwan ang tahanan nila. (Deuteronomio 10:18) Nangangako siyang aalisin niya ang mga problema ng mga refugee sa pamamagitan ng gobyerno niya sa langit na tinatawag na Kaharian ng Diyos. Ito ang papalit sa lahat ng gobyerno ng tao. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Gamit ang Kaharian niya, aalisin ni Jehova si Satanas na Diyablo. (Roma 16:20) Buong mundo ang sakop ng Kahariang ito, kaya magkakaisa na ang mga tao at magiging isang pamilya saanman sila nakatira. Wala nang taong kailangang lumikas sa bahay niya, dahil nangangako ang Bibliya: “Uupo ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang tatakot sa kanila, dahil si Jehova ng mga hukbo ang nagsabi nito.”—Mikas 4:4.
Kaharian ng Diyos lang ang makakapagbigay ng permanenteng solusyon sa krisis na nararanasan ng mga tao sa ngayon. Gagamitin ni Jehova ang Kaharian niya para alisin ang mga problemang nagiging dahilan ng paglikas ng mga tao sa lugar nila. Tingnan ang ilang halimbawa:
Digmaan. ‘Papatigilin ni Jehova ang mga digmaan sa buong lupa.’ (Awit 46:9) Para malaman kung paano ito gagawin ng Diyos, basahin ang artikulong “Kapayapaan sa Lupa—Paano?”
Pang-aapi at karahasan. “Sasagipin [sila ni Jehova] mula sa pang-aapi at karahasan.” (Awit 72:14) Posible ba talagang maalis ng mga tao ang masasamang ugali nila? Para malaman ang sagot, basahin ang serye ng mga artikulo na may pamagat na “Madadaig Natin ang Poot.”
Kahirapan. “Ililigtas [ni Jehova] ang dukha na humihingi ng tulong.” (Awit 72:12) Para malaman kung paano sosolusyunan ng Diyos ang kahirapan, basahin ang artikulong “Posible Ba ang Isang Patas na Sistema ng Ekonomiya?”
Kakulangan sa pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa.” (Awit 72:16) Para malaman kung paano titiyakin ng Diyos na wala nang magugutom, basahin ang artikulong “Isang Daigdig na Wala Nang Gutom?”
Makakatulong ba ang Bibliya sa mga refugee?
Oo. Bukod sa nabibigyan nito ang mga refugee ng magandang pag-asa sa hinaharap, makakatulong ang Bibliya para maharap ang mga pinagdadaanan nila ngayon.
Prinsipyo sa Bibliya: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”—Kawikaan 14:15.
Ibig sabihin: Alamin ang mga posibleng panganib at kung paano mo mapoprotektahan ang sarili mo. Mag-ingat sa masasamang-loob na nananamantala sa mga refugee dahil alam nilang takót pa ang mga ito at naninibago sa nilipatan nilang lugar.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.”—1 Timoteo 6:8.
Ibig sabihin: Huwag magpokus sa mga bagay na wala ka. Magiging mas masaya ka kapag kontento ka na sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay.
Prinsipyo sa Bibliya: “Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Mateo 7:12.
Ibig sabihin: Maging matiisin at mabait. Makakatulong ito para pakitunguhan ka nang maganda ng mga tao sa lugar na nilipatan mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.”—Roma 12:17.
Ibig sabihin: Huwag kang magpadala sa galit o gumanti kapag ginawan ka ng masama. Lalo lang lalala ang sitwasyon.
Prinsipyo sa Bibliya: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
Ibig sabihin: Maging malapít sa Diyos at manalangin sa kaniya. Kaya ka niyang bigyan ng lakas para makayanan ang sitwasyon mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip.”—Filipos 4:6, 7.
Ibig sabihin: Humingi sa Diyos ng kapayapaan ng isip at puso anumang sitwasyon ang mapaharap sa iyo. Tingnan ang artikulong “Filipos 4:6, 7—‘Huwag Kayong Mabalisa Tungkol sa Anumang Bagay.’”
a Pagkatapos ng unang araw ng pag-atake, inilagay ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) ang sitwasyon sa Ukraine sa pinakamataas na level ng emergency. Sa loob lang ng 12 araw, mahigit dalawang milyong refugee na ang lumikas sa Ukraine papunta sa kalapít na mga bansa at isang milyon pa ang napilitang iwan ang bahay nila papunta sa mas ligtas na mga lugar sa Ukraine.
b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”