Pandaigdig na Kampanya Para sa JW.ORG
Noong Agosto 2014, ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay namahagi ng isang tract para i-promote ang jw.org. Dahil dito, mahigit 20 porsiyento ang itinaas ng bilang ng mga pagbisita sa website sa buwang iyon, na umabot nang halos 65 milyon. Sa pamamagitan ng website, halos 10,000 ang nag-request ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya—67 porsiyentong mas mataas kaysa sa nakaraang buwan! Sa buong mundo, marami ang natulungan ng kampanyang ito.
Tulong para sa mga naghahanap ng sagot sa mahahalagang tanong sa buhay
Habang nasa elevator, kinausap ng isang Saksi sa Canada si Madeline at ipinakita sa kaniya ang tract na Saan Makikita ang Sagot sa Mahahalagang Tanong sa Buhay? Sinabi ni Madeline na nasa balkonahe siya noong nagdaang gabi at marubdob na nanalangin sa Diyos na tulungan siyang malaman ang sagot sa gayong mga tanong. Dati, tumawag siya sa ilang simbahan at humiling na turuan siya ng Bibliya, pero wala man lang tumugon. Di-nagtagal, nakikipag-aral na siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Tulong para sa mga wala pang alam sa Bibliya
Sa Pilipinas, nakausap ni Rowena ang isang lalaking Chinese na nakatayo sa harap ng isang fast-food restaurant. Binigyan siya ni Rowena ng tract at ipinaliwanag sa kaniya na gustong tulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa pamamagitan ng libreng pag-aaral sa Bibliya.
Sinabi ng lalaki na hindi pa siya nakakakita ng Bibliya. Dahil sa pag-uusap nila, dumalo siya sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos, sinabi niya na gusto pa niyang matuto tungkol sa Bibliya at plano niyang i-download ito mula sa aming website.
Tulong para sa mga bingi
Nakita ni Guillermo, isang Saksing bingi sa Spain, si Jorge na dati niyang kaeskuwela na bingi rin. Sinabi ni Jorge na kamamatay lang ng kaniyang ina at na marami siyang tanong at pag-aalinlangan. Binigyan siya ni Guillermo ng tract at ipinaliwanag kung paano niya makikita sa jw.org ang mga impormasyon sa sign language na sasagot sa kaniyang mga tanong. Inimbitahan din ni Guillermo si Jorge na dumalo ng pulong sa Kingdom Hall. Pumunta naman si Jorge, at mula noon, hindi na siya pumalya sa pagdalo, kahit 60 kilometro ang layo ng bahay niya mula sa Kingdom Hall.
Tulong para sa mga nasa liblib na lugar
Dalawang mag-asawang Saksi sa Greenland ang gumastos nang malaki at nagbiyahe nang anim na oras gamit ang isang maliit na bangka para mapuntahan ang isang komunidad na may 280 katao. Doon, nangaral sila, namahagi ng mga tract, at nagpalabas ng isang video sa wikang Greenlandic mula sa jw.org. Nakapagpasimula rin sila ng pag-aaral sa Bibliya sa mag-asawang natagpuan nila. Ngayon, idinaraos nila ang pag-aaral nang dalawang beses linggo-linggo sa pamamagitan ng telepono.
Hindi lang sa Far North ginawa ang gayong mga pagsisikap. Ang mga Saksi sa Nicaragua ay namahagi ng tract na ito sa mga taong nagsasalita ng Mayangna sa kagubatan ng Caribbean. Matapos magbiyahe nang 20 oras sa isang kakarag-karag na bus at sa lubak-lubak na daan, naglakad sila nang 11 oras, at kung minsan ay sa makapal na putikan para marating ang komunidad. Doon, namahagi sila ng mga tract at nagpalabas ng mga video sa wikang Mayangna, na ikinagulat at ikinatuwa ng mga tagaroon.
Inialok ni Estela ang tract na ito sa isang lalaki na noon ay nasa isang maliit na bayan sa Amazon rain forest sa Brazil. Tinanggap ng lalaki ang tract, pero ibinulsa niya ito, at parang wala siyang interes dito. Nang papauwi siya, nasira ang makina ng kaniyang bangka at na-stranded siya sa ilog. Habang naghihintay ng tulong, binasa niya ang tract. Gamit ang kaniyang cellphone, binuksan niya ang jw.org, nagbasa ng ilang artikulo, at nag-download ng mga video. Pagkaraan ng ilang araw, nakausap ng lalaki ang asawa ni Estela at sinabi rito na ipaabot ang kaniyang pasasalamat kay Estela para sa tract. “Dahil sa mga artikulong nabasa ko noong na-stranded ako sa ilog, kumalma ako hanggang sa dumating ang tulong,” ang sabi niya. “Gustong-gusto ng mga anak ko ang mga video ni Caleb. Lagi na akong magbubukas ng jw.org.”