May Sariling Tuntunin Ba ang mga Saksi ni Jehova Pagdating sa Pakikipag-date?
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang mga simulain at utos mula sa Bibliya ay makatutulong sa amin na gumawa ng mga desisyon na hindi lang magpapasaya sa Diyos kundi para din sa aming kapakinabangan. (Isaias 48:17, 18) Hindi sa amin galing ang mga simulain at utos na ito, pero sinusunod namin ang mga ito. Isaalang-alang kung paanong ang ilan ay nauugnay sa paksa tungkol sa pakikipag-date. a
Ang pag-aasawa ay isang permanenteng pagsasama. (Mateo 19:6) Para sa mga Saksi ni Jehova, ang pakikipag-date ay isang hakbang tungo sa pag-aasawa, kaya seryosong bagay ito para sa amin.
Ang pakikipag-date ay para lang sa mga may sapat nang edad para mag-asawa. Sila ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan,” o lampas na sa panahon kung kailan matindi ang seksuwal na pagnanasa.—1 Corinto 7:36.
Ang mga nakikipag-date ay dapat na malayang mag-asawa. May mga diborsiyado ayon sa batas ng tao na hindi malayang mag-asawang muli sa mata ng Diyos, dahil ayon sa pamantayan Niya, seksuwal na imoralidad lang ang tanging saligan ng diborsiyo.—Mateo 19:9.
Ang mga Kristiyanong gustong mag-asawa ay inuutusang mag-asawa tangi lamang sa kapananampalataya. (1 Corinto 7:39) Para sa mga Saksi ni Jehova, ang utos na ito ay tumutukoy hindi lang sa isa na may paggalang sa aming paniniwala kundi sa isa na may gayon ding paniniwala bilang bautisadong Saksi. (2 Corinto 6:14) Hindi nagbabago ang utos ng Diyos sa kaniyang mga mananamba na mag-asawa lamang sa kapananampalataya. (Genesis 24:3; Malakias 2:11) Praktikal din ang utos na ito, gaya ng napatunayan ng mga mananaliksik ngayon. b
Dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang. (Kawikaan 1:8; Colosas 3:20) Para sa mga anak na nasa poder pa ng magulang, kasali sa utos na ito ang pagsunod nila sa desisyon ng kanilang magulang pagdating sa pakikipag-date. Maaaring kasali rito kung anong edad puwede nang makipag-date ang anak at kung anong mga gawain ang papayagan nila.
Kaayon ng tuntunin ng Kasulatan, ang mga Saksi ang nagpapasiya kung makikipag-date ba sila at kung kanino. Ayon ito sa simulaing: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan [o, responsibilidad].” (Galacia 6:5) Siyempre pa, pagdating sa pakikipag-date, matalino ang ginawa ng marami—humingi sila ng payo sa may-gulang na mga Saksi na nagmamalasakit sa kanila.—Kawikaan 1:5.
Maraming ginagawa kapag nagde-date na talagang maituturing na malubhang kasalanan. Halimbawa, iniuutos ng Bibliya na umiwas tayo sa seksuwal na imoralidad. Bukod sa pakikipagtalik, kasali rin dito ang maruruming gawain sa pagitan ng dalawang hindi mag-asawa, gaya ng paghimas sa ari ng iba o ng pagsasagawa ng oral o anal sex. (1 Corinto 6:9-11) Maging ang mga gawaing pumupukaw ng seksuwal na pagnanasa sa pagitan ng hindi mag-asawa, kahit na hindi ito aktuwal na pagtatalik, ay maituturing ding “karumihan” at di-nakalulugod sa Diyos. (Galacia 5:19-21) Hinahatulan din ng Bibliya ang mga usapan na may “malaswang pananalita.”—Colosas 3:8.
Ang puso, o ang panloob na pagkatao, ay mapandaya. (Jeremias 17:9) Maaaring akayin nito ang isa na gawin ang mga bagay na alam niyang mali. Para hindi sila mailigaw ng kanilang puso, maaaring iwasan ng mga nagde-date ang mga nakatutuksong sitwasyon na silang dalawa lang. Puwede nilang ipasiyang manatili kasama ng grupo o magsama ng isang mapagkakatiwalaang tsaperon. (Kawikaan 28:26) Alam ng mga dalaga’t binatang Kristiyano na naghahanap ng mapapangasawa ang panganib ng pakikipag-date sa Internet, lalo na ang pakikipagrelasyon sa isang tao na hindi nila kilaláng-kilalá.—Awit 26:4.
a Ang pakikipag-date ay bahagi ng kultura ng ilang bansa. Hindi sinasabi ng Bibliya na kailangan nating makipag-date o na ito lang ang paraan para makapag-asawa.
b Halimbawa, sinasabi sa isang artikulo ng babasahing Marriage & Family Review na “ipinahihiwatig ng tatlong masusing pag-aaral tungkol sa pangmatagalang pagsasama ng mag-asawa na ang magkaparehong relihiyon, pananampalataya, at paniniwala ay susi sa pangmatagalang pagsasama ng mag-asawa (25 taon hanggang mahigit 50 taon).”—Tomo 38, isyu 1, pahina 88 (2005).