Pumunta sa nilalaman

Zionist ba ang Mga Saksi ni Jehova?

Zionist ba ang Mga Saksi ni Jehova?

 Hindi. Kristiyano ang Mga Saksi ni Jehova at nakasalig sa Kasulatan ang kanilang mga paniniwala. Itinuturo ng ilang relihiyon na ang pagbabalik ng mga Judio sa Palestina ay nauugnay sa hula sa Kasulatan, pero hindi ganiyan ang paniniwala ng Mga Saksi ni Jehova. Hindi sila naniniwala na ang pulitikal na kaganapang ito ay espesipikong inihula sa Kasulatan. Sa katunayan, hindi itinataguyod ng Kasulatan ang anumang gobyerno ng tao ni itinuturo man nito na nakahihigit ang isang lahi o grupo ng mga tao kaysa sa iba. Malinaw na sinabi ng Ang Bantayan, ang opisyal na magasin ng Mga Saksi ni Jehova: “Ang pulitikal na Zionism ay hindi ayon sa turo ng Bibliya.”

 Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang Zionism ay isang “nasyonalistang kilusan ng mga Judio na ang tunguhin ay itatag at suportahan ang isang pambansang estado ng mga Judio sa Palestina.” Ang kilusang ito ay nag-ugat kapuwa sa relihiyon at pulitika. Hindi itinuturo ng Mga Saksi ni Jehova ang Zionism bilang doktrina, at neutral sila pagdating sa usaping ito.

 Ang Mga Saksi ni Jehova ay isang relihiyosong organisasyon at hindi nito itinataguyod ang anumang pulitikal na sistema, kasama na ang Zionism. Malinaw na ipinakikita ng mga ulat na neutral ang Mga Saksi ni Jehova pagdating sa pulitika. Sa ilang lupain, mas pinili pa ng Mga Saksi na dumanas ng matinding pag-uusig sa halip na ikompromiso ang kanilang neutralidad. Kumbinsido kami na ang Kaharian lamang ng Diyos sa langit ang magdudulot ng walang-hanggang kapayapaan sa lupang ito; walang anumang gobyerno o kilusan ang makagagawa nito.

 Ang pagsunod sa mga batas ng sekular na gobyerno ay isang pangunahing simulain na sinusunod ng Mga Saksi ni Jehova. Hindi sila nagrerebelde sa gobyerno ni nakikisangkot man sa armadong labanan.