BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Ang Paggawa ng Masama at ang Pag-ibig sa Pera ay Hindi Makakapagpasaya”
Isinilang: 1974
Bansang Pinagmulan: Albania
Dating magnanakaw, nagtutulak ng droga, nabilanggo
ANG AKING NAKARAAN
Lumaki ako sa Tiranë, ang kabisera ng Albania. Mahirap lang ang pamilya namin. Mabuting tao ang tatay ko, at masipag siyang nagtatrabaho para paglaanan kami. Pero lagi pa rin kaming kinakapos. Bata pa lang ako, alam ko nang mahirap maging mahirap. Madalas noon, wala akong sapatos, at hindi rin sapat ang pagkain namin.
Kaya bata pa lang ako, natuto na akong magnakaw. Gusto ko lang naman kasing makatulong sa pamilya ko. Pero di-nagtagal, nahuli ako ng mga pulis. Kaya noong 1988, ipinasok ako ng tatay ko sa isang reform school; 14 ako noon. Dalawang taon ako doon at natuto akong mag-welding. Paglabas ko, naghanap ako ng matinong trabaho pero wala akong makita. Mahirap makahanap ng trabaho noon sa Albania dahil sa problema sa politika. Napasama na naman tuloy ako sa mga dati kong kabarkada at nagnakaw ulit ako. Kaya naaresto kaming magkakaibigan at nakulong nang tatlong taon.
Paglaya ko, balik na naman ako sa pagnanakaw. Bagsak ang ekonomiya at napakagulo sa Albania noon. Ang lakas kong kumita noon sa ilegal na mga gawain. Noong minsang magnakaw kami, nahuli ng mga pulis ang dalawang kasama ko. Dahil posibleng maging mahaba ang sentensiya sa akin, tumakas ako papuntang ibang bansa. May asawa na ako noon, si Julinda, at may isang anak kaming lalaki na baby pa.
Nakarating kami sa England. Gustong-gusto ko na talagang magbagong-buhay kasama ng asawa at anak ko, pero ang hirap alisin ng mga nakagawian ko. Nasangkot na naman ako sa ilegal na gawain—ngayon naman, sa pagtutulak ng droga, at maraming pera ang dumadaan sa kamay ko.
Ano ang reaksiyon ni Julinda sa pagbebenta ko ng droga? Ikukuwento niya sa inyo: “Lumaki rin ako sa Albania, at gustong-gusto kong makaahon sa kahirapan. Kahit ano gagawin ko para bumuti ang buhay namin. Akala ko pera ang sagot, kaya buo ang suporta ko kay Artan kahit nanggagantso siya, nagnanakaw, at nagtutulak ng droga—basta magkapera kami.”
Pero noong 2002, gumuho ang mga pangarap namin. Sa isang malaking transaksiyon ko ng droga, nahuli ako at nakulong na naman.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Hindi ko napapansin, unti-unti na palang nagkakaroon ng impluwensiya ang Bibliya sa buhay ko. Kasi noong 2000, may nakilalang mga Saksi ni Jehova si Julinda at nakipag-aral siya ng Bibliya sa kanila. Hindi ako interesado sa pag-aaral ng Bibliya kasi feeling ko boring ’yon. Pero gustong-gusto iyon ni Julinda. Sinabi niya: “Relihiyoso ang pamilya namin, at malaki ang paggalang ko sa Bibliya. Matagal ko nang gustong malaman ang sinasabi nito, kaya tuwang-tuwa akong pag-aralan ang Bibliya kasama ng mga Saksi. Naintindihan ko na ang maraming turo sa Bibliya. Kaya may mga binago ako sa buhay ko. Pero hindi pa rin nagbago ang pananaw ko sa pera—hanggang sa maaresto si Artan. Doon ako natauhan. Na-realize ko na totoo talaga ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pera. Ginawa namin ang lahat para yumaman kami, pero hindi pa rin kami masaya. Kaya naisip ko, kailangan ko talagang sundin ang lahat ng utos ng Diyos.”
Lumaya ako noong 2004, kaso bumalik na naman ako sa pagtutulak ng droga. Pero iba na ngayon ang pananaw ni Julinda. Napaisip ako nang minsang sinabi siya sa akin: “Hindi ko na kailangan ang pera mo. Ikaw ang kailangan ko, at gusto kong makasama ng mga anak ko ang tatay nila.” Nagulat ako, pero tama siya. Ilang taon ko ring hindi nakasama ang pamilya ko. Naisip ko rin ang maraming problema na pinagdaanan ko dahil sa pagkita ng pera sa ilegal na paraan. Kaya nagbago ako at iniwan ang mga dati kong kaibigan.
Sumama ako sa asawa ko at sa dalawa naming anak sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Humanga ako sa mga tao doon, kasi napakabait nila at palakaibigan. Mula noon, nag-aral na ako ng Bibliya.
Dati akala ko, kapag marami kaming pera, magiging masaya kami
Natutuhan ko sa Bibliya na ang “pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay, at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito . . . ang ilan ay dumanas ng maraming kirot.” (1 Timoteo 6:9, 10) Totoong-totoo ang tekstong ito sa buhay ko! Sising-sisi ako sa mga pagkakamali ko noon, kasi sinaktan ko ang sarili ko at ang pamilya ko. (Galacia 6:7) Nang malaman ko kung gaano tayo kamahal ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, nagbago ako. Mas iniisip ko na ang iba kaysa sa sarili ko, kaya mas marami na akong panahon ngayon sa pamilya ko.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Talagang nakatulong sa akin ang pagsunod sa payo ng Bibliya: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.” (Hebreo 13:5) Kaya ngayon, payapa na ang isip ko at malinis na ang konsensiya ko. Ngayon lang ako naging ganito kasaya. Tumibay ang pagsasama naming mag-asawa, at mas malapít na ang pamilya namin sa isa’t isa.
Dati akala ko, kapag marami kaming pera, magiging masaya kami. Pero malinaw na sa akin ngayon na ang paggawa ng masama at ang pag-ibig sa pera ay hindi makakapagpasaya. Hindi kami mayaman, pero nakita na namin ang pinakamahalagang bagay sa buhay namin—ang maging kaibigan ang Diyos na Jehova. Ang pagsamba kay Jehova bilang isang pamilya ang talagang nagpasaya sa amin.