Pumunta sa nilalaman

Natuto Siya Mula sa mga Bilanggo

Natuto Siya Mula sa mga Bilanggo

 Noong 2011, isang lalaking mula sa Eritrea ang nagpunta sa Norway bilang refugee. Nang makausap siya ng mga Saksi ni Jehova roon, sinabi niyang may nakilala siyang mga Saksi sa lugar nila. Ikinuwento niya na noong nasa militar pa siya sa Eritrea, nakita niya na nabilanggo ang mga Saksi dahil sa kanilang pananampalataya. Tumangging magsundalo ang mga ito kahit pagmalupitan sila.

 May nangyari sa buhay ng lalaking ito kung kaya nabilanggo siya. Nakasama niya sa bilangguan ang tatlong Saksi—sina Paulos Eyasu, Negede Teklemariam, at Isaac Mogos—na ibinilanggo dahil sa kanilang pananampalataya mula pa noong 1994.

 Habang nakabilanggo, nakita niya mismo na talagang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang itinuturo nila. Napansin niya na tapat sila at nagbibigay pa nga ng pagkain sa ibang bilanggo. Nakita niya na sama-sama silang nag-aaral ng Bibliya araw-araw at niyayaya rin ang iba na sumali sa pag-aaral. At nang papirmahin sila sa isang dokumentong nagsasabing itinatakwil nila ang kanilang pananampalataya kapalit ng paglaya, tumanggi sila.

 Hindi makalimutan ng lalaking ito ang karanasang iyon. Nang lumipat siya sa Norway, gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lang katibay ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova. Kaya nang matagpuan siya ng mga Saksi, nakipag-aral agad siya ng Bibliya sa kanila at dumalo sa mga pagpupulong.

 Noong Setyembre 2018, nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova. At ngayon, sinasamantala niya ang lahat ng pagkakataon para makausap ang mga taga-Eritrea at Sudan, at pinapasigla silang mag-aral ng Bibliya at magkaroon ng pananampalataya.