Nalaman ng Klerigo ang Sagot
Si Eliso, isang babaeng Saksi ni Jehova, ay nagba-Bible study sa isang babae sa bahay nito, nang may dumating na di-inaasahang mga bisita. Nasa pintuan ang isang klerigo, kasama ang kaniyang misis. Nalaman ni Eliso na nagkasakit at namatay ang kaisa-isang anak ng mag-asawang ito, dalawang linggo pa lang ang nakakalipas.
Nang sabihin ni Eliso na nakikiramay siya, umiyak nang umiyak ang klerigo at ang misis nito. Pagkatapos, galít na sinabi ng klerigo: “Hindi ko maunawaan kung bakit kami sinusubok ng Diyos! Paano niya nagawang kunin sa amin ang kaisa-isa naming anak? Pinaglingkuran ko siya nang 28 taon, marami akong ginawang mabuti. ’Tapos, ganito ang igaganti niya sa akin! Bakit niya pinatay ang anak ko?”
Ipinaliwanag ni Eliso sa mag-asawa na hindi kinuha ng Diyos ang anak nila. Sinabi rin niya sa kanila ang tungkol sa pantubos, pagkabuhay-muli, at ang mga dahilan kung bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay. Sinabi ng klerigo at ng misis niya na ang mga sinabi ni Eliso ang sagot sa mga ipinagdarasal nila.
Nang sumunod na linggo, sumali ang klerigo at ang misis niya sa pag-aaral sa Bibliya nina Eliso at ng babae. Tinatalakay noon ni Eliso ang kabanata na may temang “Ang Tunay na Pag-asa Para sa Iyong Namatay na mga Mahal sa Buhay,” sa aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Naging masaya ang pag-aaral nila.
Dumalo rin ang mag-asawa sa isang espesyal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tbilisi, Georgia. Sobrang naantig ang puso nila sa nakita nilang pag-ibig at pagkakaisa ng mga Saksi—mga katangiang matagal na nilang itinuturo sa mga miyembro ng kanilang simbahan, pero bigo sila.