Pumunta sa nilalaman

Nangangaral sa Kabila ng Pandemic

Nangangaral sa Kabila ng Pandemic

 Nang magsimula ang COVID-19 pandemic, gumawa ng mga pagbabago ang mga kapatid sa mga paraan nila ng pangangaral para maibahagi pa rin nila sa iba ang magandang mensahe ng Bibliya. Imbes na mangaral sa publiko o magbahay-bahay, nangaral sila gamit ang telepono at gumawa ng mga liham. a Marami ang nagpapasalamat sa pagsisikap na ito, at kitang-kita na pinagpapala ito ni Jehova. (Kawikaan 16:3, 4) Tingnan ang ilang karanasan sa isang bansa.

 Bago ang pandemic, regular na pinupuntahan ni Helen ang isang babae at inaalok niya itong mag-Bible study. Laging tumatanggi ang babae. Pero isang araw bago mag-lockdown sa kanila, nabigyan siya ni Helen ng Bibliya at ng aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya? Habang naka-lockdown, inalok ulit siya ni Helen na mag-Bible study gamit ang telepono. Pumayag na ngayon ang babae. Enjoy na enjoy siya sa pag-aaral nila at sinabi niya kay Helen na mag-Bible study sila araw-araw. Regular nang dumadalo ang babae sa mga pulong gamit ang telepono. At hindi lang iyan, isinasabuhay rin niya ang mga natututuhan niya at sinasabi ito sa iba.

 Sa isang kongregasyon naman, gumawa ng sulat ang mga Saksi ni Jehova para sa mga pulis sa lugar nila. Sumulat sila para magpasalamat sa serbisyo ng mga pulis sa komunidad. Nagulat ang mga pulis sa mga sulat. Sinabi ng isang pulis kay Jefferson, isang elder, “Akala ko ayaw ng mga Saksi ni Jehova sa mga pulis.” Sinabi ni Jefferson na hindi totoo iyon. Natuwa ang mga pulis sa magagandang laman ng sulat kaya ipinaskil nila ito sa pasukan ng istasyon nila. “Makakatulong ito para gumanda ang tingin sa amin ng iba,” ang sabi ng isa pang pulis.

 Parehong regular pioneer b sina Edna at Ednalyn. Sa pamamagitan ng videoconference ginagawa ang mga pulong sa kongregasyon ngayon. At dahil wala silang Internet sa bahay, hindi sila makadalo. Kaya tinawagan nila ang kapitbahay nilang di-Saksi at tinanong kung puwede silang maki-connect sa Wi-Fi niya. Sinabi nila na magbabayad na lang sila. Pumayag ang kapitbahay nila at hindi na rin sila pinagbabayad. Nang imbitahan nina Edna at Ednalyn sa pulong ang kapitbahay, dumalo siya. Ngayon, regular na siyang dumadalo sa mga pulong, pati ang isang anak at dalawang apo niya. Nagba-Bible study na rin sila.

 Inimbitahan naman ng mga kapatid ang mga kapitbahay, katrabaho, at iba pa na dumalo sa isang pahayag sa pamamagitan ng videoconference. Si Ellaine, na nagtatrabaho sa isang ospital, ay nag-aalangang imbitahan ang mga katrabaho niya noong una. Iniisip niya kasing negatibo ang tingin ng mga doktor sa mga Saksi. Pero nagtext pa rin siya kanila para imbitahan ang mga ito. Isang mag-asawang doktor ang talagang nag-aalangan siyang imbitahan. Pero pinag-isipan niya ito at ipinanalangin at nagtext pa rin sa kanila para imbitahan ang mga ito. Nag-reply ang babae: “So, gusto mo ’kong mag-Saksi?” Sinabi ni Ellaine na puwedeng dumalo ang lahat sa pulong kahit mga hindi Saksi. Kinabukasan, nagulat si Ellaine kasi maagang kumonek sa pulong ang mag-asawa! Sinabi niya: “Bago matapos ang pulong, nagtext sa akin ang babae, sabi niya: ‘First time kong makadalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Ang ganda. Nag-enjoy ako. Salamat sa pag-imbita.’”

Ellaine

 Nakapag-imbita si Ellaine ng 20 doktor. Tuwang-tuwa siya kasi 16 ang dumalo sa mga ito. Sinabi niya ang sinabi ni apostol Pablo: “Masaya ako na ‘nag-ipon ako ng lakas ng loob’ para ibahagi ‘ang mabuting balita ng Diyos’ sa mga katrabaho ko.”—1 Tesalonica 2:2.

 Lahat tayo ay nahihirapan sa pandemic. Pero masaya pa rin at positibo ang mga kapatid hindi lang sa bansang ito, kundi sa buong mundo. Ginagawa kasi nila ang buong makakaya nila para tulungan at patibayin ang iba.—Gawa 20:35.

a Nangangaral ang mga Saksi ni Jehova habang sinusunod ang mga data protection law sa bawat bansa.

b Ang mga payunir ay buong-panahong mga ministrong Kristiyano.