Isang Police Escort Para kay Joseph
Kung isa kang Saksi ni Jehova, nai-imagine mo bang sinasamahan ka ng pulis habang nagbabahay-bahay? Iyan ang karanasan ni Joseph na taga-Micronesia noong 2017. Kasama niya noon ang tatlo pang Saksi sa isang espesyal na kampanya ng pangangaral sa malalayong isla.
Magtatanghali na noon nang dumating ang apat na Saksing ito sa maliit na isla kung saan may nakatirang 600 katao. Binati sila ng mayor sa may baybayin ng isla. Ikinuwento ni Joseph ang sumunod na nangyari: “Sinabi ng mayor na ihahatid kami ng truck ng pulis papunta sa bahay-bahay. Nagulat kami, pero magalang kaming tumanggi. Gusto naming puntahan sa bahay ang mga tao nang naglalakad lang.”
Kaya nagsimula silang magpatotoo sa pinakamaraming tao na makakausap nila. “Napakamapagpatuloy ng mga tao at interesado sila sa Bibliya,” ang sabi ng mga Saksi. “Dahil diyan, mas nagtagal kami sa mga bahay kaysa sa inaasahan namin.”
Dalawang beses na nadaanan ng truck ng pulis si Joseph, pero huminto ito sa ikatlong pagkakataon. Tinanong ng mga pulis kung puwede nila siyang ihatid sa mga bahay na hindi pa niya napupuntahan. “Tumanggi ako,” ang sabi ni Joseph. “Pero sa pagkakataong iyon, nagpumilit sila at sabi nila, ‘Kukulangin ka na sa oras, kaya ihahatid ka na namin sa iba pang bahay.’ Hindi na ako nakatanggi dahil marami-rami pa nga ang pupuntahan ko. Kada bahay na pupuntahan namin, sasabihin ng pulis sa akin kung sino ang nakatira doon at sinabi nila na kapag kumatok ako’t walang tumugon, bubusinahan nila ang may-bahay.
“Dahil sa tulong nila, napuntahan ko ang lahat ng bahay nang araw na iyon. Marami kaming naipamahaging babasahín, at may nahanap kaming mga interesado na puwedeng balikan.”
Sinabi ng mga pulis kay Joseph na “nag-enjoy sila sa pangangaral.” Halos gabi na nang umuwi ang mga Saksi, at nang paalis na sila, kinakawayan sila ng mga nakangiting pulis habang hawak ang mga babasahíng iniwan sa kanila.