Sino ang Aakyat sa Langit?
Ang sagot ng Bibliya
Pumili ang Diyos ng ilang tapat na Kristiyano na bubuhaying muli tungo sa langit pagkamatay nila. (1 Pedro 1:3, 4) Kapag napili na sila, dapat nilang panatilihin ang kanilang Kristiyanong pananampalataya at paggawi para hindi nila maiwala ang kanilang makalangit na mana.—Efeso 5:5; Filipos 3:12-14.
Ano ang gagawin sa langit ng mga aakyat doon?
Maglilingkod sila kasama ni Jesus bilang mga hari at saserdote sa loob ng 1,000 taon. (Apocalipsis 5:9, 10; 20:6) Sila ang bubuo ng “mga bagong langit,” o bagong gobyerno, na mamamahala sa “bagong lupa,” o lipunan ng mga tao. Ang mga tagapamahalang iyon ay tutulong na maibalik ang sangkatauhan sa matuwid na kalagayan na siyang orihinal na layunin ng Diyos.—Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13.
Ilan ang bubuhaying muli tungo sa langit?
Ipinapakita ng Bibliya na 144,000 ang bubuhaying muli tungo sa langit. (Apocalipsis 7:4) Sa pangitaing nasa Apocalipsis 14:1-3, nakita ni apostol Juan ang “Kordero na nakatayo sa Bundok Sion, at ang kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo.” Sa pangitaing iyon, ang “Kordero” ay kumakatawan sa binuhay-muling si Jesus. (Juan 1:29; 1 Pedro 1:19) Ang “Bundok Sion” ay lumalarawan sa itinaas na posisyon ni Jesus at ng 144,000 na kasama niyang mamamahala sa langit.—Awit 2:6; Hebreo 12:22.
Ang mga “tinawag at pinili” na mamahalang kasama ni Kristo sa Kaharian ay tinukoy bilang “munting kawan.” (Apocalipsis 17:14; Lucas 12:32) Ipinakikita nito na kaunti lang sila kumpara sa kabuoang bilang ng mga tupa ni Jesus.—Juan 10:16.
Mga maling akala tungkol sa mga aakyat sa langit
Maling akala: Lahat ng mabubuting tao ay aakyat sa langit.
Ang totoo: Nangangako ang Diyos na mabubuhay magpakailanman sa lupa ang karamihan ng mabubuting tao.—Awit 37:11, 29, 34.
Sinabi ni Jesus: “Walang taong umakyat sa langit.” (Juan 3:13) Ipinakikita ng sinabi niya na ang mabubuting tao na nabuhay bago siya, gaya nina Abraham, Moises, Job, at David, ay hindi umakyat sa langit. (Gawa 2:29, 34) Sa halip, may pag-asa silang mabuhay-muli dito sa lupa.—Job 14:13-15.
Ang pagkabuhay-muli sa langit ay tinatawag na “unang pagkabuhay-muli.” (Apocalipsis 20:6) Ipinakikita nito na may isa pang pagkabuhay-muli. Ito ay mangyayari sa lupa.
Itinuturo ng Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:3, 4) Makatuwirang isipin na sa lupa ito mangyayari dahil hindi naman nagkaroon ng kamatayan sa langit.
Maling akala: Nasa tao ang desisyon kung saan niya gustong mabuhay, kung sa langit ba o sa lupa.
Ang totoo: Ang Diyos ang nagpapasiya kung sinong tapat na Kristiyano ang makatatanggap ng “gantimpala ng paitaas na pagtawag,” ibig sabihin, ng pag-asang mabuhay sa langit. (Filipos 3:14) Hindi ito nakadepende sa personal na kagustuhan o ambisyon ng isang tao.—Mateo 20:20-23.
Maling akala: Ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay mas mababang uri, dahil ibinibigay lang ito sa mga hindi karapat-dapat mabuhay sa langit.
Ang totoo: Tinawag ng Diyos ang mga makatatanggap ng buhay na walang hanggan sa lupa bilang “aking bayan,” “aking mga pinili,” at “mga pinagpala ni Jehova.” (Isaias 65:21-23) Magkakaroon sila ng pribilehiyong tuparin ang orihinal na layunin ni Jehova para sa sangkatauhan—ang mabuhay nang walang hanggan bilang mga sakdal na tao sa paraisong lupa.—Genesis 1:28; Awit 115:16; Isaias 45:18.
Maling akala: Ang bilang na 144,000 na binanggit sa Apocalipsis ay makasagisag, hindi literal.
Ang totoo: Bagaman ang Apocalipsis ay naglalaman ng makasagisag na mga bilang, may mga bilang dito na literal ang gamit. Halimbawa, may sinasabi itong “labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apocalipsis 21:14) Tingnan ang ebidensiya kung bakit masasabing literal ang bilang na 144,000.
Iniuulat ng Apocalipsis 7:4 “ang bilang niyaong mga tinatakan [o, kumpirmadong mabubuhay sa langit], isang daan at apatnapu’t apat na libo.” Sa kasunod na mga talata, may ikalawang grupo na naiiba kaysa sa nauna: “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.” Ang mga kabilang sa “malaking pulutong” ay iniligtas din ng Diyos. (Apocalipsis 7:9, 10) Kung ang bilang na 144,000 ay makasagisag at tumutukoy sa grupong walang tiyak na bilang, mawawalan ng saysay ang magkaibang pagtukoy sa dalawang grupong ito. a
Karagdagan pa, sinasabing ang 144,000 ay “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga.” (Apocalipsis 14:4) Ang pananalitang “mga unang bunga” ay tumutukoy sa isang maliit na pilíng bahagi lamang. Angkop na pagtukoy ito sa mga makakasama ni Kristo sa langit para mamahala sa mga taong walang takdang bilang sa lupa.—Apocalipsis 5:10.
a Ganito rin ang isinulat ni Propesor Robert L. Thomas tungkol sa bilang na 144,000 na binanggit sa Apocalipsis 7:4: “Isa itong tiyak na bilang kung ihahambing sa di-tiyak na bilang sa 7:9. Kung ito ay ituturing na makasagisag, wala nang bilang sa aklat ang maituturing na literal.”—Revelation 1-7: An Exegetical Commentary, pahina 474.