Ano ang Sinasabi ng Bibliya Hinggil sa Paglalagay ng Makeup at Pagsusuot ng Alahas?
Ang sagot ng Bibliya
Bagaman hindi ito detalyadong tinatalakay ng Bibliya, hindi naman nito hinahatulan ang paglalagay ng makeup, pagsusuot ng alahas, o iba pang uri ng kagayakan. Gayunman, sa halip na magpokus sa pisikal na hitsura, hinihimok tayo ng Bibliya na magsuot ng “walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.”—1 Pedro 3:3, 4.
Hindi hinahatulan ang pisikal na kagayakan
Ginayakan ng tapat na mga babae sa Bibliya ang kanilang sarili. Si Rebeka, na asawa ni Isaac na anak ni Abraham, ay nagsuot ng singsing na pang-ilong, gintong mga pulseras, at iba pang mamahaling alahas na tinanggap niya bilang regalo mula sa kaniyang magiging biyenang lalaki. (Genesis 24:22, 30, 53) Sa katulad na paraan, si Esther ay ‘binigyan ng masahe’ bilang pagpapaganda para ihanda siya sa magiging papel niya bilang reyna ng Imperyo ng Persia. (Esther 2:7, 9, 12) Maaaring kasama sa pagpapagandang ito ang paggamit ng “kosmetik,” o “iba’t ibang uri ng makeup.”—New International Version; Easy-to-Read Version.
Ginamit ng mga ilustrasyon sa Bibliya ang alahas nang may pagsang-ayon. Halimbawa, ang isang tao na nagbibigay ng mabuting payo ay inihahambing sa “hikaw na ginto ... sa taingang nakikinig.” (Kawikaan 25:12) Sa katulad na paraan, inihahambing din ng Diyos ang kaniyang pakikitungo sa bansang Israel sa isang asawang lalaki na ginagayakan ang kaniyang asawa ng mga pulseras, kuwintas, at mga hikaw. Dahil sa mga kagayakang ito, ang bansa ay naging “lubhang napakaganda.”—Ezekiel 16:11-13.
Mga maling akala tungkol sa makeup at alahas
Maling akala: Sa 1 Pedro 3:3, hinahatulan ng Bibliya ang “pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti.”
Ang totoo: Ipinakikita ng konteksto na itinatampok ng Bibliya ang kahalagahan ng panloob na kagandahan kumpara sa magandang hitsura o kagayakan. (1 Pedro 3:3-6) Ginamit din ang paghahambing na ito sa iba pang bahagi ng Bibliya.—1 Samuel 16:7; Kawikaan 11:22; 31:30; 1 Timoteo 2:9, 10.
Maling akala: Ang paglalagay ng masamang reyna na si Jezebel ng itim na pinta sa mata, o “eye shadow,” ay nagpapatunay na hindi angkop na gumamit ng makeup.—2 Hari 9:30.
Ang totoo: Si Jezebel, na nagsagawa ng panggagaway at pagpaslang, ay hinatulan dahil sa kaniyang masasamang gawa, hindi sa kaniyang hitsura.—2 Hari 9:7, 22, 36, 37.