Ano ang Malaking Kapighatian?
Ang sagot ng Bibliya
Ang malaking kapighatian ang pinakamatinding panahon ng kapahamakan na sasapit sa sangkatauhan. Ayon sa hula ng Bibliya, mangyayari ito sa “mga huling araw,” o sa “panahon ng kawakasan.” (2 Timoteo 3:1; Daniel 12:4) Iyon ay magiging “kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sangnilalang na nilalang ng Diyos hanggang sa panahong iyon, at hindi na mangyayari pang muli.”—Marcos 13:19; Daniel 12:1; Mateo 24:21, 22.
Mga pangyayari sa panahon ng malaking kapighatian
Pupuksain ang huwad na relihiyon. Napakabilis ng magiging pagpuksa sa huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:1, 5; 18:9, 10, 21) Ang politikal na kapangyarihan na kinakatawan ng United Nations ang magsasakatuparan ng kaloobang ito ng Diyos.—Apocalipsis 17:3, 15-18. a
Sasalakayin ang tunay na relihiyon. Isang koalisyon ng mga bansa, na tinutukoy sa hula ni Ezekiel bilang “Gog ng lupain ng Magog,” ang magtatangkang puksain ang mga miyembro ng tunay na relihiyon. Pero poprotektahan ng Diyos ang kaniyang mga mananamba at hindi sila mapupuksa.—Ezekiel 38:1, 2, 9-12, 18-23.
Hahatulan ang mga tao sa lupa. Hahatulan ni Jesus ang buong sangkatauhan at “pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.” (Mateo 25:31-33) Ang magiging basehan ng kaniyang paghatol ay ang pagsuporta, o hindi pagsuporta, ng bawat tao sa “mga kapatid” ni Jesus, na mamahalang kasama niya sa langit.—Mateo 25:34-46.
Titipunin ang mga mamamahala sa Kaharian. Ang mga tapat na napiling mamahala kasama ni Kristo sa langit ay bubuhaying muli tungo sa langit pagkamatay nila sa lupa.—Mateo 24:31; 1 Corinto 15:50-53; 1 Tesalonica 4:15-17.
Armagedon. Ang “digmaan[g ito] ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay tinatawag ding “araw ni Jehova.” (Apocalipsis 16:14, 16; Isaias 13:9; 2 Pedro 3:12) Pupuksain ni Kristo ang mga nahatulan. (Zefanias 1:18; 2 Tesalonica 1:6-10) Kabilang dito ang pagpuksa sa pandaigdig na sistema ng politika, na inilalarawan sa Bibliya bilang mabangis na hayop na may pitong ulo.—Apocalipsis 19:19-21.
Mga pangyayari pagkatapos ng malaking kapighatian
Ibibilanggo si Satanas at ang mga demonyo. Ibibilanggo ng isang dakilang anghel si Satanas at ang mga demonyo “sa kalaliman,” isang simbolo ng tulad-patay na kalagayan. (Apocalipsis 20:1-3) Ang kalagayan ni Satanas sa kalaliman ay maikukumpara sa pagkabilanggo; hindi siya makaiimpluwensiya sa anumang gawain.—Apocalipsis 20:7.
Magsisimula ang Milenyo. Magsisimula ang 1,000-taóng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na magbibigay ng saganang pagpapala sa mga tao. (Apocalipsis 5:9, 10; 20:4, 6) Isang hindi mabilang na “malaking pulutong” ang ‘lalabas mula sa malaking kapighatian,’ na makaliligtas at makakakita sa pagsisimula ng Milenyo sa lupa.—Apocalipsis 7:9, 14; Awit 37:9-11.
a Sa aklat ng Apocalipsis, ang huwad na relihiyon ay inilalarawan bilang ang Babilonyang Dakila, ang “dakilang patutot.” (Apocalipsis 17:1, 5) Ang pagsalakay sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na pupuksa sa Babilonyang Dakila, ay simbolo ng organisasyon na ang layunin ay pagkaisahin at katawanin ang mga bansa sa daigdig. Una itong lumitaw bilang League of Nations at ngayon ay United Nations.