Mapupunta Ba sa Langit ang mga Hayop?
Ang sagot ng Bibliya
Itinuturo ng Bibliya na sa lahat ng nilalang sa lupa, limitado lang ang bilang ng mga taong pupunta sa langit. (Apocalipsis 14:1, 3) Pupunta sila roon para mamahala bilang mga hari at saserdote kasama ni Jesus. (Lucas 22:28-30; Apocalipsis 5:9, 10) Karamihan sa mga tao ay bubuhaying muli sa isang paraisong lupa.—Awit 37:11, 29.
Sa Bibliya, walang sinasabing langit para sa mga aso o alagang hayop—at makatuwiran naman iyan. Hindi maaabot ng mga hayop ang mga kuwalipikasyon para sa “makalangit na pagtawag.” (Hebreo 3:1) Kabilang dito ang pagkuha ng kaalaman, pananampalataya, at pagsunod sa mga utos ng Diyos. (Mateo 19:17; Juan 3:16; 17:3) Mga tao lang ang nilikha na may pag-asang mabuhay magpakailanman.—Genesis 2:16, 17; 3:22, 23.
Para mapunta sa langit, ang mga nilalang sa lupa ay kailangang buhaying muli. (1 Corinto 15:42) Mababasa sa Bibliya ang ilang ulat ng pagkabuhay-muli. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37; 13:20, 21; Lucas 7:11-15; 8:41, 42, 49-56; Juan 11:38-44; Gawa 9:36-42; 20:7-12) Pero lahat sila ay tao, hindi hayop.
May kaluluwa ba ang mga hayop?
Wala. Sinasabi ng Bibliya na ang mga hayop at tao ay kaluluwa. Nang lalangin ang unang lalaki, si Adan, hindi siya binigyan ng kaluluwa kundi “naging humihingang nilalang,” o kaluluwa. Ang kaluluwa ay binubuo ng dalawang bagay: “alabok ng lupa” at “hininga ng buhay.”—Genesis 1:20, talababa; Genesis 2:7, talababa.
Puwede bang mamatay ang kaluluwa?
Oo, itinuturo ng Bibliya na puwedeng mamatay ang kaluluwa. (Levitico 21:11, talababa; Ezekiel 18:20, talababa) Kapag namatay ang mga hayop at tao, bumabalik sila sa alabok ng lupa. (Eclesiastes 3:19, 20) Sa ibang pananalita, hindi na sila umiiral. a
Nagkakasala ba ang mga hayop?
Hindi. Ang pagkakasala ay nangangahulugan ng pag-iisip, pagkadama, o paggawa ng bagay na labag sa mga pamantayan ng Diyos. Para magkasala, ang isang nilalang ay dapat na may kakayahang magpasiya tungkol sa tama o mali; walang ganitong kakayahan ang mga hayop. Kadalasan, kumikilos sila ayon sa instinct. (2 Pedro 2:12) Pagkatapos, namamatay sila kahit hindi sila nagkakasala.
Tama bang pagmalupitan ang mga hayop?
Hindi. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng karapatang mamahala sa mga hayop, hindi ng karapatang maltratuhin ang mga ito. (Genesis 1:28; Awit 8:6-8) May malasakit ang Diyos sa kapakanan ng bawat hayop—kasama na ang maliliit na ibon. (Jonas 4:11; Mateo 10:29) Iniutos niya sa mga mananamba niya na tratuhin nang tama ang mga hayop.—Exodo 23:12; Deuteronomio 25:4; Kawikaan 12:10.
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 6 ng aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?