Binabanggit Ba sa Bibliya ang Purgatoryo?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Wala sa Bibliya ang salitang “purgatoryo,” ni itinuturo man nito na ang kaluluwa ng mga namatay ay nililinis sa purgatoryo. a Tingnan natin kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kasalanan at kamatayan at kung kaayon ito ng doktrina ng purgatoryo.
Ang pananampalataya sa dugo ni Jesus ang naglilinis sa isang tao mula sa kasalanan, hindi ang pananatili nang ilang panahon sa tinatawag na purgatoryo. Sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus” at “sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya niya tayo sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 1:7; Pahayag [o, Apocalipsis] 1:5, Magandang Balita Biblia) Ibinigay ni Jesus “ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami” mula sa kanilang mga kasalanan.—Mateo 20:28, MB.
Ang mga taong namatay ay wala nang malay. “Alam ng buháy na siya’y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman.” (Mangangaral [o, Eclesiastes] 9:5, MB) Ang taong namatay ay walang anumang nadarama kaya hindi siya maaaring linisin ng anumang apoy ng purgatoryo.
Wala nang kaparusahan para sa mga kasalanan pagkamatay ng isang tao. Sinasabi ng Bibliya na “kamatayan ang kabayaran ng kasalanan ” at na “ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan.” (Roma 6:7, 23, MB) Kamatayan ang lubos at hustong parusa para sa kasalanan.
a May kinalaman sa purgatoryo, ang aklat na Orpheus: A General History of Religions ay nagsasabi na “walang isa mang salitang binabanggit tungkol dito ang mga Ebanghelyo.” Sinasabi naman sa New Catholic Encyclopedia: “Sa huling pagsusuri, ang doktrinang Katoliko tungkol sa purgatoryo ay salig sa tradisyon, hindi sa Sagradong Kasulatan.”—Ikalawang Edisyon, Tomo 11, pahina 825.
b Tingnan ang New Catholic Encyclopedia, Ikalawang Edisyon, Tomo 11, pahina 824.