Ano ang Orihinal na Kasalanan?
Ang sagot ng Bibliya
Sina Adan at Eva ang unang mga tao na nagkasala. Sumuway sila sa Diyos nang kainin nila ang “bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama.” Tinatawag ito ng marami na orihinal na kasalanan. a (Genesis 2:16, 17; 3:6; Roma 5:19) Ipinagbawal kina Adan at Eva ang punong iyon dahil ito ay kumakatawan sa awtoridad, o karapatan, ng Diyos na magpasiya ng tama at mali para sa mga tao. Nang kainin nila ang bunga ng puno, pinili nina Adan at Eva na mabuhay nang hiwalay sa Diyos o magpasiya sa kanilang sarili kung ano ang tama at mali. Sa gayon, tinanggihan nila ang pamantayan ng Diyos.
Paano naapektuhan ng “orihinal na kasalanan” sina Adan at Eva?
Dahil nagkasala sina Adan at Eva, tumanda sila at namatay. Sinira nila ang pakikipagkaibigan nila sa Diyos at naiwala ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan na may perpektong kalusugan.—Genesis 3:19.
Paano tayo naapektuhan ng “orihinal na kasalanan”?
Naipamana nina Adan at Eva ang kanilang kasalanan sa lahat ng naging anak nila. Katulad ito ng sakit na namamana ng mga anak sa kanilang magulang. (Roma 5:12) Kaya ang lahat ng tao ay ipinanganak na “makasalanan.” b Ibig sabihin, ipinanganak tayong hindi perpekto at madaling makagawa ng mali.—Awit 51:5; Efeso 2:3.
Dahil sa minanang kasalanan, o pagiging di-perpekto, nagkakasakit tayo, tumatanda, at namamatay. (Roma 6:23) Pinagdurusahan din natin ang mga resulta ng pagkakamali natin at ng iba.—Eclesiastes 8:9; Santiago 3:2.
Makakalaya ba tayo sa mga resulta ng “orihinal na kasalanan”?
Oo. Sinasabi ng Bibliya na namatay si Jesus “bilang handog na pambayad-sala.” (1 Juan 4:10, talababa) Ang sakripisyo ni Jesus ang makapagpapalaya sa atin sa mga epekto ng minana nating kasalanan at makapagbubukas ng pagkakataong maibalik ang naiwala nina Adan at Eva—ang mabuhay nang walang hanggan na may perpektong kalusugan.—Juan 3:16. c
Mga maling akala tungkol sa “orihinal na kasalanan”
Maling akala: Dahil sa orihinal na kasalanan, imposible tayong magkaroon ng kaugnayan sa Diyos.
Ang totoo: Hindi tayo sinisisi ng Diyos sa ginawa nina Adan at Eva. Naiintindihan niyang hindi tayo perpekto, at hindi niya hinihingi sa atin ang mga bagay na hindi natin kayang gawin. (Awit 103:14) Kahit nagdurusa tayo dahil sa minanang kasalanan, may pagkakataon tayong maging malapít na kaibigan ng Diyos.—Kawikaan 3:32.
Maling akala: Pinapalaya ng bautismo ang isang tao mula sa orihinal na kasalanan, kaya dapat binyagan ang mga sanggol.
Ang totoo: Kahit mahalagang hakbang ang bautismo para maligtas, ang pananampalataya lang sa sakripisyo ni Jesus ang makapaglilinis ng kasalanan ng isang tao. (1 Pedro 3:21; 1 Juan 1:7) Dahil ang tunay na pananampalataya ay base sa kaalaman, imposibleng magkaroon ng pananampalataya ang mga sanggol. Hindi rin itinuturo ng Bibliya ang pagbibinyag sa mga sanggol. Ganiyan din ang paniniwala ng unang mga Kristiyano. Nagbautismo sila, hindi ng mga sanggol, kundi ng “mga lalaki at babae” na may pananampalataya sa Salita ng Diyos.—Gawa 2:41; 8:12.
Maling akala: Isinumpa ng Diyos ang babae dahil si Eva ang unang kumain ng ipinagbabawal na bunga.
Ang totoo: Imbes na sumpain ang babae, isinumpa ng Diyos “ang orihinal na ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas,” na dahilan ng pagkakasala ni Eva. (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:14) Isa pa, tinukoy ng Diyos si Adan bilang ang pangunahing may pananagutan sa orihinal na kasalanan, hindi ang kaniyang asawa.—Roma 5:12.
Bakit sinabi ng Diyos na pamumunuan ni Adan ang asawa niya? (Genesis 3:16) Nang sabihin ito ng Diyos, hindi niya kinukunsinti ang paniniil. Sinasabi lang niya ang masamang resulta ng kasalanan. Inaasahan ng Diyos na mamahalin at pararangalan ng lalaki ang kaniyang asawa at rerespetuhin ang lahat ng babae.—Efeso 5:25; 1 Pedro 3:7.
Maling akala: Ang orihinal na kasalanan ay pakikipagtalik.
Ang totoo: Imposibleng pagtatalik ang orihinal na kasalanan dahil:
Nang utusan ng Diyos si Adan na huwag kumain sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, nag-iisa lang siya noon, at wala pang asawa.—Genesis 2:17, 18.
Inutusan ng Diyos sina Adan at Eva na “magpalaanakin . . . at magpakarami”—ibig sabihin, magkaanak. (Genesis 1:28) Magiging malupit ang Diyos kung paparusahan niya ang mag-asawa dahil sa bagay na siya naman ang nag-utos.
Hiwalay na nagkasala sina Adan at Eva—si Eva muna, at pagkatapos ay si Adan.—Genesis 3:6.
Pinapahintulutan ng Bibliya ang pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa.—Kawikaan 5:18, 19; 1 Corinto 7:3.
a Ang pananalitang “orihinal na kasalanan” ay hindi makikita sa Bibliya. Ang pinakaunang kasalanan na nakaulat sa Bibliya ay ang panlilinlang at pagsisinungaling ni Satanas kay Eva.—Genesis 3:4, 5; Juan 8:44.
b Sa Bibliya, ang salitang “kasalanan” ay hindi lang tumutukoy sa mga maling gawain. Tumutukoy rin ito sa kalagayang minana natin—pagiging di-perpekto at makasalanan.
c Para matuto pa nang higit tungkol sa ginawang sakripisyo ni Jesus at kung paano tayo makikinabang dito, tingnan ang artikulong “Paano Nakapagliligtas si Jesus?”