Pandaigdig na Kapayapaan—Bakit Parang Napakaimposible?
Ang sagot ng Bibliya
Bigo ang pagsisikap ng mga tao na magdulot ng pandaigdig na kapayapaan, at patuloy silang mabibigo dahil:
“Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Hindi binigyan ang mga tao ng kakayahan o karapatan na pamunuan ang kanilang sarili, kaya hindi nila mararanasan ang namamalaging kapayapaan sa sarili nilang pagsisikap.
“Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, sa mga taong hindi makapagliligtas. Kapag pumanaw na ang kanilang espiritu, nagbabalik sila sa lupa; sa araw ding iyo’y nawawalan ng saysay ang kanilang mga balak.” (Awit 146:3, 4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kahit pa dalisay ang motibo ng mga lider ng gobyerno, hindi sila makapaglalaan ng solusyong lubusang mag-aalis sa ugat ng digmaan.
“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging . . . mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:1-4) Nabubuhay tayo sa “mga huling araw” ng napakasamang daigdig na ito, kung kailan napakahirap matamo ang kapayapaan dahil sa nangingibabaw na ugali ng mga tao.
“Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Ang Diyablo, ang kaaway ng Diyos, ay itinapon sa lupa at inuudyukan niya ang mga tao na maging marahas din gaya niya. Hangga’t siya ang “tagapamahala ng sanlibutang ito,” hinding-hindi tayo mabubuhay nang payapa.—Juan 12:31.
“Dudurugin . . . at wawakasan [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang [kumakalaban sa Diyos], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Ang Kaharian ng Diyos lamang, hindi ang pamahalaan ng tao, ang makapagdudulot ng inaasam nating namamalaging pandaigdig na kapayapaan.—Awit 145:16.