Sino ang Napupunta sa Impiyerno?
Ang sagot ng Bibliya
Ang impiyerno (“Sheol” at “Hades” sa orihinal na mga wika ng Bibliya) ay libingan, hindi isang dako ng maapoy na pagpapahirap. Sino ang napupunta sa impiyerno? Kapuwa ang mabubuting tao at masasamang tao. (Job 14:13; Awit 9:17) Sinasabi ng Bibliya na ang karaniwang libingang ito ng sangkatauhan ay “bahay ng kapisanan para sa lahat ng nabubuhay.”—Job 30:23.
Maging si Jesus ay napunta sa impiyerno nang mamatay siya. Gayunman, “hindi siya pinanatili sa impiyerno,” dahil binuhay siyang muli ng Diyos.—Gawa 2:31, 32, The Bible in Basic English.
Walang hanggan ba ang impiyerno?
Lahat ng napupunta sa impiyerno ay lalabas mula roon. Bubuhayin silang muli ni Jesus sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Tungkol sa pagkabuhay-muli na iyon sa hinaharap, sinasabi ng hula sa Apocalipsis 20:13 na “ibinigay ng kamatayan at ng impiyerno ang mga patay na nasa kanila.” (King James Version) Kapag nawalan na ng laman ang impiyerno, hindi na ito iiral pa; wala nang mapupunta roon dahil “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—Apocalipsis 21:3, 4; 20:14.
Pero hindi lahat ng namamatay ay napupunta sa impiyerno. Ipinakikita ng Bibliya na may mga taong naging napakasama anupat wala nang pag-asang magbago pa. (Hebreo 10:26, 27) Kapag namatay sila, hindi sila mapupunta sa impiyerno kundi sa Gehenna, na sagisag ng walang-hanggang pagkapuksa. (Mateo 5:29, 30) Halimbawa, ipinahiwatig ni Jesus na ang ilan sa mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon noong panahon niya ay mapupunta sa Gehenna.—Mateo 23:27-33.