Pumunta sa nilalaman

Sino ang Taong Mayaman at si Lazaro?

Sino ang Taong Mayaman at si Lazaro?

Ang sagot ng Bibliya

 Ang taong mayaman at si Lazaro ay mga tauhan sa isang kuwento na binanggit ni Jesus. (Lucas 16:19-31) Sa kuwento, ang mga lalaking ito ay kumakatawan sa dalawang grupo ng mga tao: (1) sa mapagmalaking mga Judiong lider noong panahon ni Jesus at (2) sa mapagpakumbabang mga tao na tumanggap sa mensahe ni Jesus.

Sa artikulong ito

 Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro?

 Sa Lucas kabanata 16, sinabi ni Jesus na may dalawang lalaki na biglang nabago ang kalagayan.

 Ganito ang kuwento ni Jesus: May isang taong mayaman na napakaganda ng buhay. Isang pulubi naman na nagngangalang Lazaro ang nasa pintuang-daan ng taong mayaman; umaasa siyang makakakain siya ng anumang pagkain na nahuhulog mula sa mesa ng taong mayaman. Paglipas ng panahon, namatay si Lazaro, at dinala siya ng mga anghel sa tabi ni Abraham. Namatay rin ang taong mayaman at inilibing. Sa kuwento, ang namatay na taong mayaman ay pinapahirapan sa isang naglalagablab na apoy at pinakiusapan niya si Abraham na isugo si Lazaro para palamigin ang dila niya sa pamamagitan ng isang patak ng tubig mula sa daliri ni Lazaro. Hindi pinakinggan ni Abraham ang pakiusap ng taong mayaman at sinabing nabago na ang kalagayan ng taong mayaman at ni Lazaro, at isang malaking agwat na hindi nila matatawid ang inilagay sa pagitan nilang dalawa.

 Nangyari ba talaga ang kuwentong ito?

 Hindi. Ito ay isang talinghaga o ilustrasyon na binanggit ni Jesus para magturo ng aral. Kinikilala rin ng mga iskolar na ito ay isang talinghaga. Halimbawa, isang subtitulo sa 1912 na edisyon ng Bibliya ni Luther ang nagsabi na ito ay isang talinghaga. At sinabi ng Catholic Jerusalem Bible, sa isang talababa, na ito ay isang “talinghaga sa anyong kuwento at na walang anumang pagtukoy sa alinmang makasaysayang tauhan.”

 Itinuturo ba ni Jesus na patuloy na nabubuhay ang isang tao pagkamatay niya? Ibig ba niyang sabihin, may mga taong pinapahirapan sa maapoy na impiyerno kapag namatay sila at nasa langit sina Abraham at Lazaro? May mga impormasyon na nagpapatunay na hindi.

 Halimbawa:

  •   Kung literal na pinaparusahan ang taong mayaman sa isang nag-aapoy na lugar, hindi ba matutuyo lang ang tubig sa daliri ni Lazaro?

  •   Kung hindi man ito matuyo, sapat na ba ang isang patak ng tubig para maginhawahan ang taong mayaman mula sa pagdurusa niya sa isang literal na apoy?

  •   Bakit buháy at nasa langit si Abraham, samantalang malinaw na sinabi ni Jesus na hanggang noong banggitin niya ang ilustrasyong ito, wala pang kahit sinong umaakyat sa langit?​—Juan 3:13.

 Pinapatunayan ba ng kuwentong ito na totoong may maapoy na impiyerno?

 Hindi. Kahit hindi literal ang kuwentong ito, may mga nagsasabi na pahiwatig ito na pumupunta sa langit ang mabubuting tao at pinapahirapan naman sa maapoy na impiyerno ang masasama. a

 Makatuwiran ba ang sinasabi nila? Hindi.

 Ang turo ng maapoy na impiyerno ay malayo sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay. Halimbawa, hindi nito itinuturo na umaakyat sa langit at nabubuhay nang masaya doon ang lahat ng mabubuting tao na namatay o pinapahirapan sa maapoy na impiyerno ang masasama. Sa halip, malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Alam ng mga buháy na mamamatay sila, pero walang alam ang mga patay.”​—Eclesiastes 9:5.

 Ano ang ibig sabihin ng kuwento ng taong mayaman at ni Lazaro?

 Ipinapakita ng kuwentong ito ang mangyayaring malaking pagbabago sa kalagayan ng dalawang grupo ng tao.

 Maliwanag, ang taong mayaman ay tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon “na maibigin sa pera.” (Lucas 16:14) Narinig nila ang mga sinabi ni Jesus pero hindi nila tinanggap ang mensahe. Minaliit ng mga lider ng relihiyong ito ang mga ordinaryong tao.​—Juan 7:49.

 Si Lazaro ay tumutukoy naman sa mga ordinaryong tao na tumanggap sa mensahe ni Jesus at hinahamak ng mga Judiong lider ng relihiyon.

 Malaki ang ipinagbago ng kalagayan ng dalawang grupong ito.

  •   Akala ng mga Judiong lider ng relihiyon, natutuwa sa kanila ang Diyos. Pero para silang namatay nang itakwil sila ng Diyos at ang paraan ng pagsamba nila dahil hindi nila tinanggap ang mensahe ni Jesus. At para silang pinahirapan ng mensaheng ipinangaral ni Jesus at ng mga tagasunod niya.​—Mateo 23:29, 30; Gawa 5:29-33.

  •   Ang mga ordinaryong tao—na matagal nang pinapabayaan ng mga lider ng relihiyon nila—ang nagkaroon ngayon ng pagkakataon na makilala ang Diyos at maging malapít sa kaniya. Marami ang tumanggap sa mensaheng itinuro ni Jesus at natulungan nito. At puwede na silang maging malapít sa Diyos magpakailanman.​—Juan 17:3.

a Sa ilang salin ng Bibliya, ginagamit ang salitang “impiyerno” para tukuyin kung saan napunta ang taong mayaman pagkamatay niya. Pero ang orihinal na salitang Griego (Hades) na ginamit sa Lucas 16:23 ay nangangahulugan lang ng libingan ng mga tao sa pangkalahatan.