Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA

Paano Kung Binu-bully ang Anak Ko?

Paano Kung Binu-bully ang Anak Ko?

Nagsumbong ang anak mo na binu-bully siya sa school. Ano ang gagawin mo? Sasabihan mo ba ang mga guro na parusahan ang bully? Tuturuan mo bang lumaban ang anak mo? Bago ka magpasiya, alamin muna ang ilang bagay tungkol sa pambu-bully.

 Ano ang dapat kong malaman tungkol sa pambu-bully?

Ano ang pambu-bully? Ang pambu-bully ay patuluyan at sinasadyang pananakit sa pisikal o sa emosyonal na paraan. Kaya hindi lahat ng pang-iinsulto o pangha-harass ay maituturing na pambu-bully.

Kung bakit ito mahalaga: Ginagamit ng ilan ang terminong “pambu-bully” sa kahit anong uri ng paggawi na hindi nila gusto, gaano man ito kababaw. Pero kung lagi mong palalakihin ang maliliit na isyu, hindi mo matuturuan ang anak mo na lumutas ng mga di-pagkakaunawaan—bagay na mahalagang matutuhan niya ngayon at hanggang sa paglaki niya.

Simulain sa Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu.”—Eclesiastes 7:9.

Tandaan: Minsan, baka kailangan mong makialam, pero sa ilang pagkakataon, puwedeng matuto ang anak mo na maging matatag at makitungo sa ibang tao.—Colosas 3:13.

Pero paano kung sabihin ng anak mo na lagi siyang dumaranas ng sinasadyang pangha-harass?

 Paano ko matutulungan ang anak ko?

  • Matiyagang pakinggan ang anak mo. Alamin kung (1) ano ang nangyayari at (2) bakit siya pinag-iinitan. Huwag gumawa ng konklusyon hangga’t hindi mo alam ang buong pangyayari. Tanungin ang sarili, ‘Mayroon ba akong hindi alam?’ Para malaman ang buong katotohanan, baka kailangan mong kausapin ang guro ng anak mo o ang magulang ng batang nambu-bully.

    Simulain sa Bibliya: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.”—Kawikaan 18:13.

  • Kung talagang binu-bully ang anak mo, ipaunawa sa kaniya na ang paraan ng pagtugon niya ay puwedeng makabuti o makasama. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Kung gaganti siya, baka lumala ang sitwasyon, at lalong tumindi ang pambu-bully sa halip na huminto.

    Simulain sa Bibliya: “[Huwag gumanti] ng pinsala sa pinsala o ng panlalait sa panlalait.”—1 Pedro 3:9.

  • Ipaliwanag sa anak mo na ang hindi pagganti ay hindi isang kahinaan. Sa halip, tanda ito na matatag siya dahil hindi siya nagpapakontrol sa ibang tao. Sa ibang salita, tinatalo niya ang bully nang hindi nagiging isang bully.

    Dapat tandaan ito ng anak mo lalo na kung dumaranas siya ng cyberbullying. Kung makikisali siya sa mainitang pagtatalo sa Internet, hinahayaan niya ang bully na magpatuloy sa pambu-bully, at baka mapagbintangan pa nga ang anak mo na isa rin siyang bully! Kaya kung minsan, makabubuting huwag na lang siyang mag-reply. Sa gayon, makikita ng bully na hindi epektibo ang pamamaraan niya at baka tigilan na niya ang anak mo.

    Simulain sa Bibliya: “Kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy.”—Kawikaan 26:20.

  • Masasabihan mo ang anak mo na iwasan ang mga tao at lugar kung saan puwede siyang ma-bully. Halimbawa, kung alam niya kung nasaan ang isang tao o grupo, makakaiwas siya sa gulo kung sa ibang daan siya daraan.

    Simulain sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”—Kawikaan 22:3.

Baka kailangan mong kausapin ang guro ng anak mo o ang magulang ng batang nambu-bully

SUBUKAN ITO: Tulungan ang anak mo na pag-isipan ang mabuti at masamang resulta ng ikikilos niya. Halimbawa:

  • Ano kaya ang puwedeng mangyari kung hindi na lang niya papansinin ang bully?

  • Ano kaya ang mangyayari kung lakas-loob niyang pagsasabihan ang bully na huminto?

  • Paano kaya kung isumbong niya sa mga guro ang pambu-bully?

  • Puwede kaya niyang mapahinto ang pambu-bully kung magiging palakaibigan siya o magpapatawa?

Iba-iba ang sitwasyon ng pambu-bully, harapan man ito o sa Internet. Kaya tulungan ang iyong anak na makahanap ng praktikal na solusyon. Tiyakin sa kaniya na tutulungan mo siya sa pinagdaraanan niya.

Simulain sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.