MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pugad ng Malleefowl
May mga malleefowl na matatagpuan sa timog ng Australia. Napapanatili nila ang temperatura ng pugad nila nang di-lalayo sa 2 o 3 degrees mula sa 34 degrees Celsius. Paano ito nagagawa ng mga malleefowl gabi’t araw sa buong taon?
Tuwing taglamig, gumagawa sila ng hukay na mga 1 metro ang lalim at 3 metro ang lapad. Pagkatapos, pupunuin ito ng lalaking malleefowl ng damo, dahon, at iba pang halaman. Kapag nababad ito sa ulan sa dulo ng taglamig, gagawa siya doon ng isang mas maliit na hukay at tatabunan niya iyon at ang mas malaking hukay ng mabuhanging lupa. Kapag nabulok na ang mga halaman, iinit iyon at magsisilbing incubator ang maliit na hukay.
Kapag mangingitlog na ang babaeng malleefowl, tatanggalan ng lupa ng lalaking malleefowl ang maliit na hukay para makapangitlog doon ang babaeng malleefowl. Pagkatapos, agad itong tatabunan ulit ng lupa ng lalaking malleefowl. Kayang maglabas ng babaeng malleefowl ng hanggang 35 itlog mula Setyembre hanggang Pebrero. a
Madalas na isinusuksok ng mga ibong ito ang tuka nila sa buhangin para malaman ang temperatura nito. Pagkatapos, ia-adjust nila ang dami ng lupang nakatabon sa hukay depende sa panahon. Halimbawa:
Sa tagsibol, kapag masyado nang umiinit ang pugad dahil sa nabubulok na mga dahon at halaman, babawasan ng lalaking malleefowl ang lupa sa ibabaw ng maliit na hukay para sumingaw ang init. Mayamaya, kapag lumamig na ang lupa, tatabunan niya ulit ang pugad.
Sa tag-araw naman, dadagdagan ng lalaking malleefowl ang nakatabong lupa sa hukay para maprotektahan ang mga itlog mula sa init ng araw. Pero tuwing umaga, babawasan niya ang lupa, at ibabalik niya ito kapag lumamig-lamig na ang pugad at ang buhangin.
Sa taglagas, kapag wala nang natira sa nabulok na mga halaman, aalisin ng lalaking malleefowl ang halos lahat ng nakatabong lupa para mapainit ng araw ang mga itlog, pati na ang hinukay na lupa. Pagkatapos, itatabon niya ang naarawang lupa para mainitan ang mga itlog sa gabi.
Araw-araw, mahigit limang oras naghuhukay at nagtatabon ng mga 850 kilo ng lupa ang lalaking malleefowl. Dahil sa paulit-ulit niyang pagbubungkal ng lupa, hindi ito nasisiksik. Kaya mas madali para sa mga sisiw na lumabas sa natatabunang hukay kapag napisa na ang mga itlog.
Panoorin ang mga malleefowl habang hinuhukay ang lupang nakatabon sa pugad nila
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng malleefowl na mapanatili ang temperatura ng pugad nito ay dahil sa ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
a Umaabot ng pito hanggang walong linggo bago mapisa ang mga itlog. Kaya hanggang Abril aasikasuhin ng mga malleefowl ang ginawa nilang hukay.