Pumunta sa nilalaman

Heather Broccard-Bell/iStock via Getty Images

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Shell ng Diabolical Ironclad Beetle

Ang Shell ng Diabolical Ironclad Beetle

 Ang diabolical ironclad beetle (Phloeodes diabolicus) ay makikita sa western North America. Ayon sa mga researcher, hindi ito mamamatay kahit madaganan ng isang bagay na mga 39,000 times na mas mabigat sa sarili nito. Kaya pa nga nitong mabuhay kahit magulungan ng sasakyan. Paano iyan nagagawa ng beetle na ito?

 May mga ridge sa magkabilang gilid ng shell ng beetle na nagdudugtong sa itaas at ibabang bahagi nito. Kapag may pressure, nananatiling matatag ang isang uri ng ridge para maprotektahan ang mga organ ng beetle. Mas malambot naman ang isa pang uri ng ridge para mas madaling makapag-adjust ang shell. Kaya naman ng ikatlong uri ng ridge na gawing flat ang shell para magkasya ang beetle sa masisikip na lugar tulad ng loob ng balat ng puno o sa pagitan ng mga bato.

 Sa gitna naman ng shell, may maliliit na blade. Magkakakonekta ang mga ito na parang jigsaw puzzle para ma-distribute ang pressure sa buong shell. Pinagdidikit ng mga protein ang mga layer ng bawat blade. Kapag may pressure, nagkakaroon ng maliliit na crack sa mga protein. Pero naghihilom din ang mga ito para ma-absorb ng blade ang pressure nang hindi nasisira.

Magkakakonekta ang mga blade sa shell ng diabolical ironclad beetle na parang jigsaw puzzle

Pinagdudugtong ng mga ridge (pulang arrow) ang itaas at ibabang bahagi ng shell ng beetle. May mga magkakakonektang blade (gray na arrow) sa gitna ng shell

 Sinasabi ng mga researcher na makakatulong ang shell ng diabolical ironclad beetle para makapag-design ng mas safe at mas matibay na mga sasakyan, tulay at building.

 Ano sa palagay mo? Ang shell ba ng diabolical ironclad beetle ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?