Pumunta sa nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Dila ng Pusa

Ang Dila ng Pusa

 Hilig ng mga pusa na dilaan ang sarili nila. Kapag gisíng sila, halos 24 na porsiyento ng oras nila ang nagagamit sa paglilinis ng sarili. Nalilinis nila nang mabuti ang sarili nila dahil sa kamangha-manghang disenyo ng kanilang dila.

 Pag-isipan ito: Ang dila ng pusa ay may 290 papilla. Maliliit na spine ito na nakaharap sa lalamunan at kasintigas ng kuko natin. Ang bawat papilla ay may uka na agad na nakakakuha ng laway kapag ipinapasok ng pusa ang dila niya sa bibig niya. Kapag dinidilaan ng pusa ang balahibo niya, nakakaabot ang papilla hanggang sa mismong balat niya at naglalabas ito ng laway.

Pinalaking larawan ng mga papilla

 Ang dila ng pusa ay may kakayahang maglipat ng 48 mililitro ng laway sa balat at balahibo nito kada araw. May mga enzyme ang laway na ito na nag-aalis ng baktirya. Habang natutuyo ang laway, napapalamig naman nito ang katawan ng pusa. Mahalaga ito dahil hindi gaanong nagpapawis ang mga pusa.

 Kapag tinamaan ng isa sa mga papilla ang magkabuhol na balahibo, kumakapit ito sa balahibo. Parang nasusuklay nito ang balahibo kaya naaayos ang pagkakabuhol. May magandang epekto rin sa balat ng pusa ang dulo ng mga papilla. Ginaya ng mga mananaliksik ang disenyo ng dila ng pusa sa ginawa nilang hairbrush. Kumpara sa karaniwang hairbrush, mas madaling nasusuklay ng hairbrush na ito ang buhok at mas madali pa itong linisin. Bukod diyan, natatanggal pa nito ang mga buhol sa buhok. Naniniwala ang mga mananaliksik na makakatulong ang disenyo ng dila ng pusa para makagawa pa ng mas epektibong panlinis sa mga mabalahibong gamit. Makakatulong din ito para mai-apply nang mabuti ang mga lotion o gamot sa balat na mabalbon.

 Ano sa palagay mo? Ang dila ba ng pusa ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?