MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Technique sa Pangingitlog ng Grunion
Ang maliliit na isda na tinatawag na California grunion ay nangingitlog sa mga baybayin ng California, U.S.A., at Baja California, Mexico. Alam ng mga isdang ito ang eksaktong araw at oras kung kailan sila dapat mangitlog.
Pag-isipan ito: Nangingitlog lang ang mga grunion mga tatlo o apat na gabi pagkatapos ng pinakamataas na high tide kapag full moon o new moon. Kapag nangitlog sila bago mag-full moon o new moon, aabutan ng high tide ang mga itlog nila sa beach at tatangayin ito ng alon. Pero dahil nangingitlog sila pagkatapos na pagkatapos ng pinakamataas na high tide, ligtas na ang mga itlog. Sa mga panahon kasing ito, pababa na ang tubig at nakakapagtulak ang dagat ng mas maraming buhangin sa beach. Kaya natatabunan ang mga itlog ng mas maraming buhangin.
Kapag nangingitlog din sila sa panahon ng spring at summer, mas mataas ang high tide sa gabi kumpara sa araw kaya mas malayong parte ng beach ang nararating ng mga grunion. Dahil dito, kapag nag-high tide na ulit, hindi na maaabot ng tubig ang mga itlog.
Kapag mangingitlog, hinihintay ng mga grunion ang napakalakas na alon para tangayin sila papunta sa beach, at sasabayan nila ng langoy hanggang sa ma-stranded na sila roon. Habang bumababa ang tubig, maghuhukay nang mga lima hanggang walong sentimetro ang babaeng grunion gamit ang buntot niya. Kapag nangitlog na doon ang mga babaeng grunion, ipe-fertilize ito ng isa o mas marami pang lalaking grunion. Pagkatapos, gagapang na ang mga grunion at sasabayan ang mga alon para makabalik sa karagatan.
Made-develop ang mga itlog sa basang buhangin. Pero kailangan nilang maramdaman ang hampas ng alon sa buhangin para mapisa. Mangyayari ito sa susunod na pinakamataas na high tide, o pagkatapos ng mga dalawang linggo. Pero may ilang itlog na sa susunod pang pinakamataas na high tide napipisa, kaya inaabot ang mga ito nang apat na linggo.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng mga grunion na malaman kung paano at kung kailan eksaktong mangingitlog ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?