MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Suction sa Ulo ng Remora
Ang remora ay isang uri ng isda na kayang dumikit sa ibang hayop sa dagat. Madali rin nitong naaalis ang pagkakadikit nito sa isang hayop. At hindi ito nasasaktan ng remora. Interesado ang mga mananaliksik sa kakayahang ito ng remora.
Pag-isipan ito: Dumidikit ang remora sa mga host gaya ng pagi, pating, pagong, balyena, at iba pang hayop sa dagat, gaano man kakinis o kagaspang ang balat o shell ng mga ito. Kinakain nito ang mga parasite at tirang pagkain ng pinagdidikitan nito. At halos hindi na ito lumalangoy at napoprotektahan pa ito! Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang suction sa ulo ng remora para makita kung paano matibay na dumidikit ang isdang ito, gaano man kakinis o kagaspang ang pinagdidikitan nito.
Mga remora na nakadikit sa butanding
Makikita ang hugis oval na suction disc ng remora sa ulo nito. Malambot at makapal ang pinakadulo ng disc para kumapit ito at magkaroon ng suction. Sa loob nito, may hilera ng nakaumbok na tinik. At sa bawat umbok, mayroon itong maninipis na buhok. Kapag nakatayo ang nakaumbok na tinik, didikit ang maninipis na buhok sa balat ng host at nagkakaroon ng friction. Dahil sa suction at friction, napapanatili ng remora ang matibay na pagkakadikit nito gaano man kabilis ang paglangoy ng host o kahit magbago ito ng direksiyon.
Ginaya ng mga siyentipiko ang disenyo ng suction sa ulo ng remora. Dumidikit ang device na ginawa nila sa iba’t ibang bagay. Nang subukan nilang tanggalin ang pagkakadikit nito, hindi ito agad natanggal kahit ilang daang beses ng bigat ng disc ang puwersang ginamit nila!
Maraming puwedeng paggamitan ang disenyo ng suction ng remora. Kasama na rito ang research tag para sa mga hayop sa dagat at kapag nag-aaral sa malalim na bahagi ng dagat. Puwede rin itong gamitin kapag naglalagay ng mga ilaw o tool sa ilalim ng dagat para sa mga tulay o barko.
Ano sa palagay mo? Ang suction disc ba sa ulo ng remora ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?