Pumunta sa nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Sonar ng Dolphin

Ang Sonar ng Dolphin

 Ang mga dolphin ay lumilikha ng iba’t ibang tunog—mga click at whistle. Pagkatapos, pinapakinggan nila ang mga echo para malaman ang lokasyon nila at ang kanilang kapaligiran. Dahil sa likas na sonar ng bottlenose dolphin (Tursiops truncatus), ang mga siyentipiko ay gumagawa ng mga underwater acoustic system para malutas ang mga problemang hindi kaya ng teknolohiya ngayon.

 Pag-isipan ito: Dahil sa sonar ng dolphin, kaya nitong mahanap ang isang isdang nagtatago sa pinakasahig ng dagat at malaman ang pagkakaiba ng isda at bato. Ayon kay Keith Brown, isang associate professor sa Heriot-Watt University sa Edinburgh, Scotland, kaya rin ng dolphin na “tukuyin ang pagkakaiba ng mga lalagyang may lamang tubig-tabang, tubig-alat, syrup, at langis mula [sa layong] 10 metro.” Gusto ng mga siyentipiko na gumawa ng mga aparatong may gayunding kakayahan.

Mula sa layong 10 metro, kayang tukuyin ng dolphin ang pagkakaiba ng mga lalagyan depende sa laman nito

 Pinag-aralan ng mga mananaliksik kung paano gagayahin ang kakayahan ng dolphin na gumawa at makarinig ng tunog. Dahil diyan, gumawa sila ng isang masalimuot na electronic sonar device na wala pang isang metro ang haba. Ang aparatong ito ay nakakabit sa isang robot na parang torpedo. Dinisenyo ito para siyasatin ang sahig ng dagat, hanapin ang mga bagay na nakabaon gaya ng mga kable o tubo, at suriin ang mga iyon nang hindi na nilalapitan. Nakikini-kinita ng mga nag-develop sa aparatong ito na magagamit ito sa industriya ng langis at gas. Dahil sa pagtulad sa disenyo ng sonar ng dolphin, mas mapapalawak ang nakukuhang impormasyon ng kasalukuyang mga sonar device. Matutulungan din nito ang mga technician na mailagay ang mga kagamitan sa ilalim ng tubig sa pinakamagandang lokasyon, malaman ang mga sira—gaya ng maninipis na bitak sa mga sumusuportang bahagi ng oil rig—at matukoy kahit ang mga baradong tubo.

 Ano sa palagay mo? Ang sonar ba ng bottlenose dolphin ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?