TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Gagawin Ko Kapag May Nambabastos sa Akin?
Ano ba ang pambabastos?
Kasali sa pambabastos, o sexual harassment, ang anumang di-katanggap-tanggap na mahalay na paggawi—kasama na ang paghipu-hipo o maging ang pagsasalita ng malaswa. Pero kung minsan, mahirap makita ang pagkakaiba ng pagbibiro, pagpi-flirt, at pambabastos.
Alam mo ba ang pagkakaiba ng mga ito? Sagutan ang quiz tungkol sa sexual harassment para malaman mo!
Nakalulungkot, ang pambabastos ay puwede mong maranasan hindi lang habang estudyante ka. Pero kung ngayon pa lang ay matatag ka na at alam mo na ang gagawin, mahaharap mo ito kahit nagtatrabaho ka na. At baka nga mapigilan mo pa ang nambabastos sa pambibiktima ng ibang tao!
Paano kung may nambabastos sa akin?
Mas malamang na matigil ang pambabastos kung alam mo na iyon ay pambabastos na at alam mo ang gagawin sa ganoong sitwasyon! Isaalang-alang ang tatlong sitwasyon at kung ano ang puwede mong gawin.
SITWASYON:
“Sa trabaho, lagi akong sinasabihan ng matatandang lalaki doon na maganda raw ako, at sana raw ay mas bata sila nang 30 taon. Nilapitan pa nga ako ng isa sa kanila at inamoy ang buhok ko!”—Tabitha, 20.
Puwedeng isipin ni Tabitha: ‘Kung hindi ko na lang siya papansinin at pagpapasensiyahan na lang, siguro titigil din siya.’
Kung bakit malamang na hindi iyon makatulong: Sinasabi ng mga eksperto na kapag binale-wala ng mga biktima ang pambabastos, kadalasa’y nagpapatuloy iyon at lumalala pa nga.
Subukan ito: Sabihin mo sa nambabastos sa iyo, nang mahinahon pero malinaw, na hindi mo gusto ang pananalita o ikinikilos niya. “Kapag may nantsansing sa akin,” ang sabi ng 22-anyos na si Taryn, “hinaharap ko siya at sinasabing huwag na huwag na niya uling gagawin iyon. Kadalasan, nagugulat ang sinumang sabihan mo ng gayon.” Kung hindi siya titigil, maging matatag at huwag susuko. Pagdating sa pagtataguyod ng mataas na pamantayang moral, ipinapayo ng Bibliya: “Maging matatag, may-gulang, at buo ang loob.”—Colosas 4:12, The New Testament in Contemporary Language.
Paano kung magbanta ang nambabastos sa iyo na sasaktan ka niya? Kung gayon, huwag mo siyang komprontahin. Umalis ka na agad, at humingi ng tulong sa isang mapagkakatiwalaang adulto.
SITWASYON:
“Noong grade six ako, habang naglalakad sa hallway, hinatak ako ng dalawang babae. Tomboy ang isa sa kanila, at gusto niyang makipag-date ako sa kaniya. Kahit tumanggi na ako, kinukulit pa rin nila ako araw-araw sa tuwing matatapos ang bawat klase. Minsan nga, isinalya pa nila ako sa pader!”—Victoria, 18.
Puwedeng isipin ni Victoria: ‘Kung magsusumbong ako, iisipin ng iba na mahina ako, at baka wala pa ngang maniwala sa akin.’
Kung bakit malamang na hindi iyon makatulong: Kung hindi mo ito sasabihin sa iba, baka hindi ka tigilan ng nambabastos at gawin din niya iyon sa iba.—Eclesiastes 8:11.
Subukan ito: Humingi ng tulong. Ang iyong mga magulang at titser ay puwedeng makatulong para matigil ang pambabastos sa iyo. Pero paano kung hindi seryosohin ng pinagsabihan mo ang iyong reklamo? Subukan ito: Sa tuwing may mambabastos sa iyo, isulat mo ang mga detalye. Ilagay ang petsa, oras, at lugar kung saan nangyari ang bawat insidente, pati na ang sinabi ng nambabastos. Pagkatapos, bigyan mo ng kopya ang iyong magulang o titser. Mas sineseryoso ng marami ang reklamo kapag nakasulat ito.
SITWASYON:
“Takót na takót ako sa isang kabataang lalaki na kasali sa football team. Mahigit six feet ang taas niya at mga 300 pounds ang timbang! Desidido siyang ‘makuha ako.’ Halos araw-araw niya akong kinukulit—sa loob ng isang taon. Minsan, dalawa lang kami sa classroom, at unti-unti siyang lumapit sa akin. Dali-dali akong lumabas.”—Julieta, 18.
Puwedeng isipin ni Julieta: ‘Gano’n lang talaga ang mga lalaki.’
Kung bakit malamang na hindi iyon makatulong: Malamang na hindi magbago ang nambabastos kung iisipin ng lahat na okey lang ang ginagawa niya.
Subukan ito: Huwag bale-walain ang ginawa ng nambabastos o basta ngitian siya. Sa halip, ipakita sa reaksiyon mo—pati sa ekspresyon ng iyong mukha—na hindi mo kukunsintihin ang ginagawa niya.
Ano ang gagawin ko?
KARANASAN 1:
“Ayokong makasakit ng damdamin ng iba. Kaya kapag may nambabastos sa akin, sasabihan ko silang tumigil—pero hindi ganoon kaseryoso, at madalas, nakangiti pa ako. Akala tuloy nila, nagpi-flirt ako.”—Tabitha.
Kung ikaw si Tabitha, ano ang gagawin mo? Bakit?
Bakit maaaring isipin ng isang nambabastos na nagpi-flirt ka sa kaniya?
KARANASAN 2:
“Nag-umpisa iyon sa ilang bastos na pananalita ng ilang lalaki sa P.E. class namin. Pinalampas ko iyon nang ilang linggo, pero lalo lang lumala. Tapos, umuupo na sila sa tabi ko at inaakbayan ako. Itinutulak ko sila, pero hindi sila tumitigil. Minsan, iniabot sa akin ng isa sa kanila ang isang papel na may nakasulat na malaswa. Ibinigay ko iyon sa titser ko. Sinuspende sa iskul ang lalaking iyon. Dapat pala noon pa ako nagsumbong sa titser ko!”—Sabina.
Sa tingin mo, bakit hindi agad nagsumbong si Sabina sa titser niya? Tama ba ang naging desisyon niya? Bakit?
KARANASAN 3:
“Habang nasa CR ang kapatid kong si Greg, nilapitan siya ng isang kabataang lalaki. Lumapit ito nang husto kay Greg at nagsabi, ‘Halikan mo ako.’ Tumanggi si Greg, pero ayaw pa ring umalis ng lalaki. Kinailangan pa siyang itulak ni Greg palayo.”—Suzanne.
Sa tingin mo, biktima ba si Greg ng pambabastos? Bakit?
Bakit kaya nag-aalangang magsumbong ang ilang kabataang lalaki kapag binabastos sila ng ibang lalaki?
Sang-ayon ka ba sa ginawa ni Greg? Kung ikaw, ano ang gagawin mo?
Matuto nang higit pa: Tingnan ang kabanata 32, “Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Seksuwal na Pang-aabuso?” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1.