Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

1 Pedro 5:6, 7—“Kaya Nga, Pasakop Kayo sa Kapangyarihan ng Diyos ... Ipagkatiwala Ninyo sa Kanya ang Inyong mga Alalahanin sa Buhay”

1 Pedro 5:6, 7—“Kaya Nga, Pasakop Kayo sa Kapangyarihan ng Diyos ... Ipagkatiwala Ninyo sa Kanya ang Inyong mga Alalahanin sa Buhay”

 “Kaya magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon, habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”—1 Pedro 5:6, 7, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 Pedro 5:6, 7, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng 1 Pedro 5:6, 7

 Sa mga sinabing ito ni apostol Pedro, tinitiyak niya sa mga Kristiyano na puwede nilang ipanalangin sa Diyos ang mga problema at álalahanín nila. Natutuwa ang Diyos sa mga mapagpakumbaba, at pinagpapala niya sila.

 “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.” Madalas gamitin sa Bibliya ang pananalitang kamay ng Diyos para tukuyin ang kakayahan niya na magligtas at magprotekta. (Exodo 3:19; Deuteronomio 26:8; Ezra 8:22) Nagpapakababa ang mga Kristiyano sa Diyos kapag nagtitiwala sila sa kaniya. Alam nila ang mga limitasyon nila at na hindi nila kakayaning mag-isa ang mga problema nila. (Kawikaan 3:5, 6; Filipos 4:13) Alam din nila na kaya silang tulungan ng Diyos sa tamang panahon at sa pinakamabuting paraan.—Isaias 41:10.

 “Para maitaas niya kayo sa takdang panahon.” Ang mga matiyagang nagtitiis sa mga pagsubok ay tiyak na itataas ng Diyos, o pagpapalain niya. Hindi niya hahayaan ang mga lingkod niya na patuloy na magdusa o masubok nang hindi nila kaya. (1 Corinto 10:13) Kaya kung gagawin nila ang tama sa paningin ng Diyos, tiyak na pagpapalain niya sila “sa takdang panahon.”—Galacia 6:9.

 “Habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.” Kapag mapagpakumbabang nananalangin ang mga Kristiyano sa Diyos, maihahagis nila ang lahat ng álalahanín nila sa kaniya. Sinabi ng isang reperensiya: “Ang pandiwang ihagis ay nagpapahiwatig ng pagsisikap na ilayo ang isang bagay mula sa atin. Ito ay sinasadyang pagkilos.” Kapag naihagis na ng isang Kristiyano ang mga alalahanin niya sa Diyos, mababawasan ang pag-aalala niya at mararanasan niya ang sinasabi sa Bibliya na “kapayapaan ng Diyos.” (Filipos 4:6, 7) Makakaasa siya na tutulungan siya ng Diyos kasi nagmamalasakit ang Diyos sa kaniya. Kaya ng Diyos na gamitin ang kapangyarihan niya para alalayan siya.—Awit 37:5; 55:22.

Konteksto ng 1 Pedro 5:6, 7

 Nagtatapos sa kabanata 5 ang unang liham ni apostol Pedro sa mga Kristiyano. (1 Pedro 1:1) Gaya natin, napaharap din ang mga tagasunod ni Kristo noon sa iba’t ibang problema na sumubok sa pananampalataya nila, at posibleng nag-alala rin sila. (1 Pedro 1:6, 7) Alam ni Pedro ang paghihirap nila kaya sumulat siya ng nakakapagpatibay na liham sa kanila noong mga 62-64 C.E.—1 Pedro 5:12.

 Tinapos ni Pedro ang liham niya sa isang nakakapagpatibay na paalala para sa mga napapaharap sa mga problema dahil sa pananampalataya nila. Kung mananatili silang mapagpakumbaba at nagtitiwala sa Diyos, makakaasa silang tutulungan sila ng Diyos na maging matatag. (1 Pedro 5:5-10) Mapapatibay rin ng mga sinabi ni Pedro ang mga Kristiyano na pinag-uusig ngayon.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng 1 Pedro.