Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Filipos 4:8—“Anumang Bagay na Totoo, . . . Patuloy na Isaisip ang mga Ito”

Filipos 4:8—“Anumang Bagay na Totoo, . . . Patuloy na Isaisip ang mga Ito”

 “Bilang panghuli, mga kapatid, anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, marangal, mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.”—Filipos 4:8, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.”—Filipos 4:8, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Filipos 4:8

 Interesado ang Diyos sa mga iniisip natin, lalo na’t nakakaapekto ito sa mga ginagawa natin. (Awit 19:14; Marcos 7:20-23) Kaya ang mga taong gustong mapasaya ang Diyos, tinatanggihan nila ang mga kaisipan na masama sa paningin niya, at iniisip ang mga bagay na gusto ng Diyos.

 Sa tekstong ito, may binabanggit na walong mabubuting bagay na dapat “patuloy na isaisip” ng mga Kristiyano.

  •   “Totoo.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga bagay na mabuti at mapagkakatiwalaan, gaya ng mga impormasyong makikita sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.—1 Timoteo 6:20.

  •   “Seryosong pag-isipan.” Ang mga salitang ito ay tumutukoy sa mga bagay na talagang mahalaga. Hindi ito mababaw, o di-gaanong mahalaga. Sa halip, tumutulong ito sa mga Kristiyano na maging determinadong gawin ang tama.—Tito 2:6-8.

  •   “Matuwid.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga iniisip at ginagawa natin na nakakaabot sa pamantayan ng Diyos kung ano ang tama at hindi sa limitadong karunungan ng tao.—Kawikaan 3:5, 6; 14:12.

  •   “Malinis.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga kaisipan at motibo na dalisay at banal, hindi lang sa seksuwal na mga bagay, kundi sa lahat ng bagay.—2 Corinto 11:3.

  •   “Kaibig-ibig.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga bagay na kaayaaya na tutulong sa atin na makadama ng pag-ibig sa halip na poot, hinanakit, o galit.—1 Pedro 4:8.

  •   “Marangal.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga bagay na tumutulong para lalo pang magkaroon ng magandang reputasyon ang isa. At gustong-gusto ito ng mga taong may respeto sa Diyos.—Kawikaan 22:1.

  •   “Mabuti.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga bagay na nakakaabot sa pamantayan ng Diyos pagdating sa moralidad—mga bagay na talagang napakabuti.—2 Pedro 1:5, 9.

  •   “Kapuri-puri.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga bagay na karapat-dapat bigyan ng papuri, lalo na sa paningin ng Diyos. Kasama na rito ang kapuri-puring mga bagay na ginawa ng Diyos na dapat pag-isipan ng mga tao.—Awit 78:4.

Konteksto ng Filipos 4:8

 Nakabilanggo si apostol Pablo sa sarili niyang bahay sa Roma nang isulat niya ang liham niya para sa mga Kristiyano sa Filipos. Pero inilarawan ito ng mga komentarista sa Bibliya bilang “isang liham ng kagalakan” dahil sa masayang tono nito at marami itong salitang nagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal.—Filipos 1:3, 4, 7, 8, 18; 3:1; 4:1, 4, 10.

 Mahal ni Pablo ang mga kapatid sa Filipos kaya gusto niyang madama nila ang kagalakan at kapayapaan na mayroon siya. (Filipos 2:17, 18) Kaya sa huling bahagi ng liham niya, pinasigla niya sila na magkaroon ng masayang saloobin, maging makatuwiran, patuloy na umasa sa Diyos sa panalangin, at magpokus sa mga bagay na magbibigay sa kanila ng panloob na kapayapaan at magtataguyod ng kapayapaan sa Diyos.—Filipos 4:4-9.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Filipos.