PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Marcos 1:15—“Malapit Na ang Kaharian ng Dios”
“Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang Kaharian ng Diyos. Magsisi kayo at manampalataya sa mabuting balita.”—Marcos 1:15, Bagong Sanlibutang Salin.
“Ang takdang panahon ay dumating na. Malapit na ang kaharian ng Dios. Magsisi kayo at maniwala sa magandang balitang ito!”—Marcos 1:15, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Marcos 1:15
Sinabi ni Jesu-Kristo sa mga tagapakinig niya na ang Kaharian ng Diyos a ay “malapit na,” dahil siya, ang magiging Hari ng Kahariang iyon, ay nandoon kasama nila.
Hindi ibig sabihin ni Jesus na nagsimula nang mamahala ang Kaharian. Sa katunayan, may pagkakataon pa nga na ipinahiwatig niya sa mga alagad niya na sa hinaharap pa mamamahala ang Kaharian. (Gawa 1:6, 7) Pero dumating siya sa mismong taon kung kailan inihula ng Bibliya na lilitaw ang Hari. b Dahil dito, masasabi ni Jesus: “Dumating na ang takdang panahon”—ang panahon para simulan ang pag-eebanghelyo niya, o ang pangangaral ng mabuting balita, tungkol sa Kaharian.—Lucas 4:16-21, 43.
Para makinabang ang mga tao sa mabuting balita tungkol sa Kaharian, kailangan nilang pagsisihan ang mga nagawa nilang kasalanan at mamuhay ayon sa pamantayan ng Diyos. Ipinakita ng mga nagsisi na nananampalataya sila sa mabuting balita tungkol sa darating na Kaharian.
Konteksto ng Marcos 1:15
Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa pasimula ng kaniyang ministeryo sa Galilea. Sinasabi sa katulad na ulat sa Mateo 4:17 na “mula noon,” nangaral si Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ito ang tema ng ministeryo ni Jesus. Sa katunayan, mahigit 100 beses binanggit ang Kaharian sa apat na Ebanghelyo, c at karamihan dito ay sinabi ni Jesus. Sa Bibliya, mas maraming binanggit si Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos kaysa sa iba pang paksa.
Basahin ang Marcos kabanata 1, pati na ang mga talababa at cross-reference.
a Ang Kaharian ng Diyos ay ang gobyerno sa langit na itinatag ng Diyos para tuparin ang layunin niya sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ano ang Kaharian ng Diyos?”
b Kailangang maging hari ni Jesus para matupad ang isa sa mga papel niya bilang ipinangakong Mesiyas, ang kinatawan ng Diyos. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga hula ng Bibliya na tumutukoy kay Jesus bilang Mesiyas, tingnan ang “Pinatutunayan Ba ng mga Hula sa Bibliya na si Jesus ang Mesiyas?”
c Ang mga Ebanghelyo ay ang unang apat na aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan—tinatawag ng karamihan na Bagong Tipan—na nagbibigay ng ulat tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus.